Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng isang task force upang paimbestigahan ang mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) bunsod ng mga naibabalitang katiwalian sa ahensya, ayon sa Malacañang noong Agosto 7
Kabilang sa task force ang Department of Justice, Office of the Ombudsman, Office of the Executive Secretary, Office of the Special Assistant to the President, Civil Service Commission, Commission on Audit, at ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
“Nakinig po ang ating Presidente at umakto bagama’t wala pa pong mapapatunayan sa mabilis na panahon, mayroon naman pong preventive suspension para mapangalagaan ang kaban ng PhilHealth,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ang utos ni Duterte ay nakapaloob sa isang memorandum para kay Justice Secretary Menardo Guevarra, na siyang magsusumite ng ulat at rekomendasyon ng task force sa loob ng 30 na araw mula sa pagkakatatag nito.
“During the course of the investigation, if warranted, the panel may recommend to the President the imposition of preventive suspension on any PhilHealth official to ensure the unhampered conduct of the investigation (Sa kasagsagan ng imbestigasyon, kung kinakailangan, maaaring irekomenda ng panel sa pangulo ang pagpapataw ng preventive suspension sa kahit sinumang PhilHealth official para hindi maabala ang imbestigasyon),” ayon sa memorandum.
Bukod sa preventive suspensions, may kapangyarihan din umano ang task force na maglunsad ng lifestyle checks at maghain ng kaso laban sa mga “magnanakaw” ng ahensya, ayon kay Roque.
Ipinag-utos ni Duterte ang paglikha ng task force bagama’t nagsumite na ng inisyal na ulat ang PACC tunkol sa katiwalian ng PhilHealth, kung saan inihahanda na ang mga isasampang kaso laban sa 36 “high-ranking and mid-level” officials dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Dagdag pa ng komisyon, may mga sistematikong pagkakamali sa loob ng ahensya na nagpahintulot sa pagpapanatili ng kurapsyon.
Umani ng pambabatikos ang PhilHealth nang ibunyag ng nagbitiw na dating anti-fraud officer ng ahensya na si Atty. Thorrsson Montes Keith, na ibinulsa umano ng ilang opisyal ang aabot sa P15 bilyong pondo ng ahensya sa pamamagitan ng iba’t-ibang pamamaraan.
Sinabi rin ni Keith na overpriced ang badyet sa ilang items sa IT department ng korporasyon.
Samantala, iginiit naman ni PhilHealth President Ricardo Morales sa mga mambabatas noong Agosto 4 na hindi sapat ang kanyang mga hakbang para masugpo ang katiwalian sa ahensya.
“Hindi po sapat ang aking ginagawa… Inaamin ko ho, kulang ako sa paghanap ng mga gumagawa ng katiwalian. Marami pa rin sila,” paliwanag ni Morales.
Ipinahayag naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya tatanggalin sa puwesto si Morales bilang pinuno ng PhilHealth kung walang ebidensiya laban sa kanya.