Binigyang diin ni Senador Kiko Pangilinan na dapat panagutin din si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III tungkol sa umaalingawngaw na isyu ng katiwalian sa PhilHealth.
Ayon kay Pangilinan, may pananagutan din ang kalihim sapagkat siya ang tumatayong chairman ng PhilHealth Board.
Nagsilbi rin bilang pangulo ng PhilHealth si Duque.
Iginiit ni Pangilinan na mabigat ang pananagutan ni Duque ngayong panahon ng pandemiya.
Aniya, “Maawa naman sana sila sa ating mga kababayan. Maawa sila sa taumbayan. Palitan na po si Duque bilang DOH secretary at IATF head. Maghanap ng mas mayroong kakayahang sugpuin ang kambal na sakit ng Covid at kurakot”.
Sa panunungkulan ni Duque, hindi raw magawa nang husto ang mass testing at contact tracing, subalit may nangyayari namang contract fixing sa ahensya.
Kung mananatili sa puwesto si Duque at walang magaganap na pagbabago sa kalakaran ng mga bagay-bagay, magpapatuloy lamang umano ang maraming mahahawa at mamamatay sa Covid-19 at patuloy ding mahihirapan ang ekonomiya.
Noong Agosto 4, ibinunyag ng isang opisiyal ng PhilHealth ang mga anomalya ng ahensya na inaprubahan pa aniya ng mga matataas nitong opisyal.
Ayon kay Alejandro Cabading, isang certified public accountant na miyembro ng board of directors, paulit-ulit daw niyang nabisto ang mga kahinahinalang items sa information and technology (IT) budget ng ahensya para sa kasalukuyang taon.
Ang naunang budget proposal umano ng mga opisyal ay P2.1 bilyon subalit hindi ito pumasa dahil maraming overpriced at inulit na items.