Mga mambabatas, iminungkahing i-delay muna ang pagbubukas ng klase

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: DepEd

Kumbinsido ang mga mambabatas sa Kamara na hindi pa handa ang Department of Education (DepEd) sa muling pagbubukas ng klase sa Agosto bagama’t todo ang paghahanda ng ahensya.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture noong Agosto 6, ipinahayag ng ilang mambabatas ang agam-agam tungkol sa kalidad ng blended learning ng DepEd sa muling pagbubukas ng klase sa Agosto 24.

Ikinababahala ng mga kongresista ang kakulangan sa pondo at equipment ng mga pampublikong paaralan sa kani-kanilang mga distrito.

Ayon kay Deputy Speaker Evelina Escudero na siyang representate sa unang distrito ng Sorsogon, umaasa nang malaki ang kanilang mga guro sa modular learning dahil sa kakulangan ng internet connection sa lugar. Humihingi umano ang mga guro ng suporta at donasyon mula sa pampribadong sektor hinggil sa printing ng mga modules.

“If hindi naman ready, baka we can move it until January,” ani Escudero.

Sinabi naman ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali na asahan ang mas malaking pondo para rito.

Kinilala naman ni House committee chairman at Pasig Rep. Roman Romulo ang kasipagang ipinamamalas ng mga guro, subalit iginiit na kinakailangan ng mga ito ng mas mahabang oras para makapaghanda.

Aniya, “Nakikita natin na nagtatrabaho talaga ang DepEd. Kaso kahit minsan na nagtatrabaho tayo, talagang kulang pa rin ang panahon.”

Iminungkahi naman ni Romulo sa DepEd na ikonsidera ang House Bill 6895 o ang “Act to lengthen the school calendar from 200 days to not more than 220 class days” na ipinasa noong Hunyo. Ito ay nagpapahintulot na buksan ang klase nang lagpas pa sa Agosto.

LATEST

LATEST

TRENDING