Talakayan sa panukalang death penalty, naging mainit sa Kamara

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Umarangkada na sa House Justice Committee noong Agosto 5 ang deliberasyon tungkol sa mga inihaing panukalang batas na layong ibalik ang parusang kamatayan, mahigit isang linggo matapos ipanawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang pagbabalik ng death penalty.

Ayon kay ACT-CIS Party-list Rep. Niña Taduran, mapapaisip ang mga potensyal na kriminal dahil sa takot na maharap sa kamatayan kung ibabalik muli ang death penalty.

Para naman kay Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, hindi pa napapatunayang nakapagbabawas ng krimen ang death penalty dahil may dalawang executions pa lang sa bansa sa kasaysayan nito.

Ang panukala ay tinutulan naman ng mga grupong Integrated Bar of the Philippines, Free Legal Assistance Group, National Union of Peoples’ Lawyers, Karapatan at koalisyon ng religious leaders na One Voice.

Sumangguni si IBP National President Domingo Cayosa ang isang desisyon ng Korte Suprema, People v. Mateo, kung saan napatunayang may 71.77% na pagkakamali ang mga nahatulan ng kamatayan. Ibig sabihin nito, may mga inosenteng nahatulan ng kamatayan.

“The FLAG Anti-Death Penalty Task Force is firmly and unconditionally opposed to the death penalty and its re-imposition (ay mariing tumututol sa pagbabalik ng death penalty). It does not deter crime, it is anti-poor, and it violates the Constitution and our international law obligations (Hindi nito napipigilan ang krimen, ito ay kontra sa mahihirap, at labag sa Konstitusyon at international law obligations),” ani FLAG Chairman Atty. Chel Diokno.

Dagdag pa ni Diokno, bumaba ang lebel ng krimen noong binuwag ang death penalty batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), habang tumaas naman ang lebel ng rape mula 1998 hanggang 2002 noong umiiral pa ang parusang kamatayan.

Base rin sa isinagawang survey ng FLAG noong 2004, 73% ng death row inmates ay mahihirap habang 81% naman ang may low-income jobs.

It is really the certainty of being caught and punished that deters crime and not the severity of the punishment. The only real and lasting solution to criminality is to strengthen the justice system. No amount of death penalty laws will work without that (Ang katiyakan na makukulong ang tanging makapagpapababa ng krimen at hindi kung gaano kabigat ang parusa. Ang pangmatagalan solusyon sa kriminalidad ay ang pagreporma sa husgado. Walang anumang batas ng death penalty ang magiging matagumpay nang wala ito),” giit ni Diokno.

Sang-ayon din dito si NUPL Chairperson Neri Colmenares at sinabing mayroon nang death penalty sa bansa sa ngayon.

“Libu-libo na ang namatay na drug suspects. May mga nagnanakaw dati, nag-iisnatch ng cellphone sa Quiapo, patay. But it didn’t deter drugs or so many other heinous crimes. So kung hindi pala siya deterrent, para sa akin, Mr. Chair, the main reason for the proposal for the imposition of death penalty is taken out, kasi wala na siyang rason,” diin ni Colmenares.

Sa mahigit limang oras na pagdinig, naging sentro ang komprontasyon sa pagitan ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at Public Attorneys Office chief Persida Acosta.

Tila nagbago ang isip ni Acosta, na ipinanawagan ang pag-alis ng death penalty noong 2006 at inamin din na personal siyang dumulog kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na iligtas ang buhay ng kanyang mga kliyenteng nasa bingit ng kamatayan o death row.

Ayon kay Acosta, dapat nang pag-aralan muli ang pagbabalik ng parusang kamatayan dahil sa mga nagaganap na massacres, pambobomba, at talamak na bentahan ng iligal na droga.

Binanatan naman ni Rodriguez si Acosta sa biglaang pagbabago ng tindig nito. Dating dekano ng San Sebastian College of Law si Rodriguez kung saan nagturo rin si Acosta ng mga subjects sa panahon ng kanyang panunungkulan.

“Kailan po ba made-deter ang krimen? Kung hindi natin sasabayan ng pag-aaral, paano po mapuputol ang mga halimaw na yan para maproteksyunan ang bayan,” tugon ni Acosta.

Nangako naman ang pinuno ng PAO na ipagtatanggol ng ahensya ang mga akusado, at kung sa tingin niya ay inosente ang isang suspek, personal umano siyang aapela sa pangulo.

Sa kabuuan, sampung mambabatas ang naghain ng panukalang ibalik ang death penalty, kung saan anim dito ay limitado sa drug cases na siyang hiling ng pangulo.

LATEST

LATEST

TRENDING