Napilitan ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Lungsod ng Maynila na ilagay ang mga Covid-19 patients nito sa loob ng tents na itinayo sa parking lot ng ospital dahil naubusan na ng higaan sa loob ng hospital building.
Ito ay kasabay ng pagkakatala sa pinakamataas na pag-akyat sa bilang ng Covid-19 cases na mahigit 6,000 noong Agosto 4.
Naunang nagbabala ang mga medical workers nitong weekend na posibleng bumagsak ang sistemang pangkalusugan ng bansa dahil sa patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kaso at unti-unting pagkapuno ng mga ospital sa bansa.
“Kailangan mo talagang mai-admit. Kawawa ang tao eh. Kawawa ang pasyente. Wala na silang mapuntahan – nagririgodon na lang sa mga ospital ng Metro Manila,” ani Dr. Ted Martin, director ng nasabing ospital.
Kasalukuyang tumatanggap pa rin ang ospital ng mga pasyente bagama’t puno na ang kapasidad nito.
Dagdag pa ni Martin, “Hindi pa rin maipanik kasi walang bakante dun sa taas”.
Ayon kay Martin, ang ibang mga ospital na itinalaga para sa Covid-19 cases ay puno na rin.
Aniya, “Hindi naman namin ma-transfer sa ibang ospital like PGH (Philippine General Hospital) kasi overcapacity na rin sila. Lung Center ganun din”.
Sa loob ng Tent No. 3, matatagpuan ang ilang Covid-19 patients na lalo pang nahihirapan dahil sa init ng araw.
Ang ibang tents naman ay naglalaman ng mga pasyenteng naghihintay ng swab test results, at iba pang nagpapamalas ng respiratory symptoms.
Palaging pinapaalalahanan ng mga nars na magsuot ng face masks ang mga pasyente sapagkat tinatanggal nila ang mga ito dahil sa matinding init.
Walang nagagawa ang mga nars kundi makisimpatya sa kalbaryo ng mga pasyente dahil sila rin mismo ay nakararanas ng matinding init sa loob ng ilang oras dahil sa pagsusuot ng personal protective equipment.
Batay sa datos noong Agosto 4, umabot na sa 112,593 ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa na may 66,049 recoveries at 2,115 deaths.