Ipinahayag ng Malacañang noong Agosto 4 na hindi umano kailangan ng pamahalaan na ibenta ang mga ari-arian nito upang dagdagan ang pondo ng social amelioration program (SAP) para sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sinabi ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos unang banggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabawas na ang pondo ng pamahalaan para tustusan ang ayudang pinansyal na ipapamahagi sa mga mahihirap na pamilya na nakatira sa lugar na may MECQ.
Unang naisip ni Duterte na ibenta ang ilang ari-arian ng gobyerno kung sakaling kukulangin ang pondo ng pamahalaan na gagamitin sa pagtugon sa Covid-19 krisis.
Subalit, ayon kay Roque, may bilyun-bilyong pondo mula loans ang pamahalaan na kinuha mula sa ibang bansa at mga foreign organizations.
Aniya, “Well, ang pangako naman ng Presidente, maski ubos na ang ating budget, kaya naman na, unang-una, gamitin natin iyong mga salapi na mauutang natin. Iyan naman po ang kabutihan na napakaganda ng ating credit rating – madali tayong makautang na mas maliit ang interes”.
Bagama’t hindi pa kinakailangan ang pagbebenta ng mga ari-arian ng pamahalaan sa puntong ito, maaari posible umano itong gawing “last resort”.
“Kung hindi pa sapat, talagang ibibenta niya ang ari-arian ng gobyerno. Pero sa ngayon naman po, hindi pa po kinakailangan dahil tayo naman po ay nagma-manage as of now,” ani Roque.
Sang-ayon din si Finance Secretary Carlos Dominguez III na hindi kailangan ng pamahalaan na magbenta ng mga assets nito sapagkat pumasok aniya ito sa pandemiya nang may matatag na fiscal position. May mga hiniram din umanong pondo para tustusan ang Covid-19 response.
Ayon kay Roque, “malaking hamon” ang pagkalap ng karagdagang pondo para sa ikatlong bugso ng ayuda sapagakat hindi pa inaaprubahan ng Kongreso ang “Bayanihan 2” bill na naglalaman ng stimulus package para sa pagbangon ng bansa mula sa epekto na pandemiya.
Ipinasa ng Senado noong nakaraan linggo ang Bayanihan 2, habang inaasahan naman ang pagpasa ng Kamara ng kanilang sariling bersyon hinggil dito.
“Medyo malaking hamon po talaga itong ayuda para sa third tranche para dito sa Metro Manila at mga karatig na probinsiya ng Metro Manila, pero hahanapan po natin ng paraan iyan,” giit ni Roque.
Samantala, ipinahayag din ng tagapagsalita ng pangulo na buo ang tiwala ng Palasyo sa pangako ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tatapusin ng ahensya ang distribusyon ng ikalawang bugso ng ayudang pinansyal sa ikalawang linggo ng Agosto.
“Mahigit kalahati na po ng second tranche ay napamigay. Ang hinihingi lang po ng DSWD, hanggang mid-August para matapos iyong 100 percent,” wika ni Roque.
Ayon sa datos noong Agosto 3, nakapagbigay na ang DSWD ng PHP61.8 bilyong ayuda sa 9.5 milyong mga benepisyaryo.