Roque: Pagpapalawig ng lockdown, hindi na kakayanin ng ekonomiya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Patrick Cabañero (BANAT Pilipinas News)

Inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na kakayanin ng ekonomiya ang pagpapalawig pa ng lockdown bunsod ng pagpapatigil-operasyon ng ilang mga industriya at negosyo.

Aniya, “Tatapatin ko po kayo: Hindi na po kaya ng ekonomiya ang mas matagalan pang lockdown. Napakatindi po ng binaba ng ating ekonomiya (para sa ikalawang quarter)”.

Iaanunsyo naman ng Philippine Statistics Authority ang opisyal na datos sa Agosto 6.

Ayon naman kay Marikina Rep. Stella Quimbo, isang ekonomista, nawawalan ng ₱12 bilyon ang ekonomiya sa bawat araw tuwing lockdown.

Ipinahayag naman ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na ang posibleng pagpapalawig ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite ay makapagdudulot ng “seryosong” problema, at iginiit na mas makabubuti ang localized hard lockdowns para mapigilan ang Covid-19.

Naitala naman ang pinakamababang pagbagsak ng ekonomiya noong Abril at Mayo noong isinailalim ang Luzon at iba pang mga lalawigan sa lockdown, kung saan naparalisa ang mga negosyo, ayon sa miyembro ng economic team ng pamahalaan.

Inaasahan ng mga awtoridad ang pagbagsak ng ekonomiya nang 3.4 percent ngayong taon dahil sa epekto ng pandemiya, subalit maaari pa umano itong magbago depende sa magiging resulta ng ikalawang quarter.

Samantala, inaasahan din ng international lenders ang mas malalim na resesyon, kung saan nasa 5.3 percent ang pinakamalalang forecast ng Asian Development Bank, bago mag-rebound sa susunod na taon.

Ang pagbagsak ng ekonomiya ngayong taon ay kauna-unahan simula noong 1998, kung kailan nanalasa ang Asian Financial Crisis.

Noong Hulyo, ipinahayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nais niyang paluwagin ang quarantine protocols sa Metro Manila at Calabarzon, dahil ang dalawang rehiyon ang bumubuo sa two-thirds ng national output.

Subalit, sumailalim ang dalawang rehiyon sa MECQ hanggang Agosto 18 matapos dinggin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apela ng medical community para sa “timeout.”

Ayon naman kay Roque, kasalukyang nasa 30 percent ng mga establishimento ang pinapahintulutang mag-operasyon. Noong nasa general community quarantine (GCQ), 75 percent ng ekonomiya ang bukas, ayon kay Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua.

LATEST

LATEST