Tatalakayin ng mga opisyal ang panukalang hindi pagpapabilang sa travel ban ng mga locally stranded individuals (LSIs) habang muling sumailalim sa dalawang linggong lockdown ang Metro Manila at ilang karatig-lalawigan, ayon sa Malacañang noong Agosto 4.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, na miyembro rin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ikokonsidera umano ng task force ang pagpapahintulot sa mga LSIs na makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan bagama’t isinailalim muli sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Kalakang Maynila, Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite hanggang Agosto 18.
Libu-libong mga Pilipinong nagtungo sa National Capital Region (NCR) ang dumudulog ngayon sa pamahalaan para sila ay makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan matapos maapektuhan ng Covid-19 pandemic.
Sa ilalim ng programang “Hatid Tulong”, papauwiin ang mga LSIs sa pamamagitan ng mga bus, eroplano, o pampasaherong barko.
Subalit, umani ng batikos ang nasabing programa noong Hulyo matapos magkumpulan ang daan-daang LSIs sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila, habang naghihintay na makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya. Sa loob ng stadium, hindi naobserbahan ang physical distancing.
Mahigit 10,000 LSIs naman ang natulungan ng pamahalaan na makauwi noong Hulyo, ayon sa tagapagpatupad ng programa na si Rodolfo Encabo.
Tinitingnan ngayon ang pagpapauwi ng mga LSIs bagama’t nasa MECQ ang Metro Manila.
Inamin naman ni Roque ang naging pagkukulang sa implementasyon ng programa, at iginiit na magpapatupad ang pamahalaan ng mga pagbabago para hindi na maulit ang insidente.
Ilang mga lokal na opisyal naman ang nagsabing nakapagdulot umano ng panibagong Covid-19 cases ang pag-uwi ng mga LSIs sa kani-kanilang mga lalawigan.