Ibinunyag ng dating anti-fraud officer ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) na si Atty. Thorrson Montes Keith na umabot na sa ₱15-bilyon ang nawala sa health insurance agency ng bansa bunsod ng mga anomalya rito.
Ayon kay Keith na dumalo sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, maituturing na “crime of the year” ang malawakang katiwalian sa ahensya.
Ang nasabing nawalang ₱15-bilyon ay mula umano sa maanomalyang pagpapatupad ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) pati na rin ang pagbili aniya ng overpriced na mga information and communication technology (ICT) equipment.
Binanggit din ni Keith na balak pa nga ng “sindikato” sa loob ng ahensya na ipalit sa nanakaw na pera ang kontribusyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ipinaliwanag din ni Keith kung bakit hindi matapos-tapos ang kurapsyon sa ahensya. Ito raw ay dahil sa malalim na kultura ng katiwalian sa ahensya at ang pagtatalaga ng mga kasabwat ng “mafia” o ang tinutukoy niyang sindikato, na siyang mga nasa likod sa mga iregularidad ng ahensya.
Si Keith ay isa sa mga opisyal na nagbitiw sa puwesto matapos ang naganap na kontrobersyal na birtuwal meeting, kung saan sumiklab umano ang mainit na diskusyon sa pagitan ng ilang mga opisyal ng PhilHealth.