Ipapatupad muli ang paggamit ng quarantine pass alinsunod sa muling pagsasailalim ng Kalakhang Maynila at ilang karatig-lalawigan sa modified enhanced community quarantine (MECQ), ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ito ay upang matiyak na malilimitahan ang mga lalabas ng tahanan. Mga local government units (LGUs) naman umano ang bahala kung paano ipatutupad ang quarantine passes.
Noong Agosto 2, isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa MECQ simula Agosto 4 hanggang 18.
Ito ay matapos manawagan ang grupo ng mga medical frontliners na muling ibalik ang lockdown sa Mega Manila para makapagpahinga aniya ang mga ospital at frontliners bunsod ng pag-akyat sa Covid-19 cases.
Sa muling pag-iral ng MECQ, kinakailangang manatili ang lahat sa bahay hangga’t maaari, lalo na ang mga may edad 20 pababa at 60 pataas, mahihina ang immune system, buntis, at may matagal nang iniindang kondisyon o karamdaman.
Ang mga papahintulutan lamang na lumabas ay iyong mga bibili ng mga pangunahing bilihin katulad ng pagkain o gamot, mga frontliners, at mga nagtatrabaho sa mga pinapahintulutang mga industriya.
Maaari rin ang pag-eehersisyo sa labas katulad ng walking, jogging, running at biking.
Mananatili namang bawal ang mass gathering o malawakang pagtitipon, subalit papayagan ang mga religious gathering nang hanggang lima katao at mga humanitarian activities na awtorisado ng pamahalaan.
Sa ilalim ng MECQ, ibabalik rin ang mga checkpoints sa boundary ng mga lungsod at lalawigan na nasa ilalim nito.