QC task force head, binatikos dahil sa pagbabanta ng ‘shoot-to-kill’ sa quarantine violators

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Quezon City Task Force Disiplina head Rannie Ludovica

Binatikos ang pinuno ng Task Force Disiplina ng Quezon City government dahil sa pagsabing dapat barilin hanggang sa mamatay ang mga lalabag sa mga panuntunan ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

Ayon kay Rannie Ludovica, isang dating konsehal ng lungsod, sa kanyang personal Facebook account, “Mula bukas shoot to kill na ang mga lalabag sa MECQ”.

Bagama’t binura na ang nasabing post, nakuhanan naman ito ng screenshot ng ilang netizens.

Sa isang naunang post naman, sinisi ni Ludovica ang mga residente ng Everlasting Street sa Barangay Holy Spirit dahil sa paglaganap ng Covid-19 sa lugar.

“Dapat sa inyo, pa…t yin,” giit nito.

Ang huling pahayag ni Ludovica ay kinundena ng mga residente ng Quezon City, kabilang na si Senador Risa Hontiveros na nangakong papanagutin ang dating city councilor.

As a QC resident for the last 35 yrs, I will personally work to hold this public official accountable for inciting violence vs civilians (Bilang residente ng QC sa nakalipas na 35 taon, sisikapin kong mapapanagot ang opisyal na ito dahil sa pagbabanta ng karahasan sa mga sibilyan),” diin ni Hontiveros sa isang tweet, kung saan naka-tag din si Quezon City Mayor Joy Belmonte at ang Commission on Human Rights.

Dagdag pa ng senadora, “Hindi tayo aatras sa pagpapaalala sa mga abusadong opisyales kagaya nito na walang nalulutas sa dahas. Hindi tama ang konduktang ito mula sa isang opisyal ng gobyerno. Gawin natin ang trabaho natin nang walang pagbabanta ng patayan sa gitna ng pandemya”.

Dismayado rin si Quezon City Councilor Irene Belmonte sa naging pahayag ni Ludovica.

This is a VERY IRRESPONSIBLE statement by one of our department. We will not tolerate or encourage any form of violence in our city. This is totally unacceptable behavior (Ito ay NAPAKA-IRESPONSABLENG pahayag ng isang kasamahan sa departamento. Hindi namin ito papayagan o hihikayatin ang anumang uri ng karahasan sa aming lungsod. Ang pag-uugaling ito ay hindi katanggap-tanggap),” ani Belmonte.

Subalit, iginiit naman ni Mayor Joy Belmonte na ang personal na pahayag ni Ludovica ay hindi sumasalamin sa palisiya ng pamahalaang lokal.

I think it was very wrong and in very poor taste for him to have posted this message and I’d like to assure the people of Quezon City that his personal post in no way reflects our city’s policies, principles and inclinations (Mali ang kanyang ipinost na mensahe at gusto kong tiyakin sa mga residente ng Quezon City na ang kanyang naging pahayag ay hindi sumasalamin sa palisiya, prinsipyo, at mga kinikilingan ng lungsod),” paliwanag ng alkalde.

Gayunpaman, pinaalalahanan ni Belmonte ang mga netizens na huwag ituring na literal ang mga naging pahayag ni Ludovica.

Aniya, “I see it more as an expression of frustration that five months into the quarantine, the cases still keep growing, party (sic) because people can’t seem to comply with minimum health standards (Mas nakikita ko ito bilang pagpapahayag ng galit sa nakalipas na limang buwan ng quarantine, tumataas pa rin ang bilang mga kaso dahil sumusuway pa rin ang mga tao sa minimum health standards).”

Noong Abril, nakuhanan ng video ang mga miyembro ng Task Force Disiplina at ilang barangay officials na binubugbog ang isang nagtitinda ng isda dahil sa hindi pagsuot ng face mask at hindi pagdadala ng quarantine pass habang nagbebenta ng isda sa Panay Avenue.

LATEST

LATEST