Nais ng tagapagpatupad ng programang maghahatid ng mga locally stranded individuals (LSIs) mula Metro Manila pauwi sa kani-kanilang mga lalawigan na hindi sila ipabilang sa travel ban bunsod ng muling pagsasailalim ng rehiyion sa lockdown.
Muling ibinalik ang modified enhanced community quarantine (MECQ), o ikalawang pinakamahigpit na lockdown, sa Metro Manila noong Agosto 4.
“Humihingi po kami ng exemption sa IATF para mapabilis iyong pagproseso sa kanila at makikipag-ugnayan din kami sa mga respective LGUs,” ani Hatid Tulong lead convener Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo.
Dagdag pa niya, “Kung mai-grant po iyong exemption, agad-agad gagawan po namin ng schedule at ipa-facilitate natin iyong transportation na gagamitin sa kanila”.
Umani ng kaliwa’t-kanang pamumuna ang Hatid Tulong program noong nakaraang linggo matapos isiksik ng mga awtoridad ang halos 8,000 LSIs sa isang stadium sa Maynila, kung saan dito dapat nila ipoproseso ang kanilang mga dokumento bago makauwi sa probinsya.
Ilang LSIs ang hindi pa nakakauwi at sila ay inilipat sa pasilidad ng National Housing Authority dahil ipinahinto muna ng mga lalawigan ang pagtanggap ng mga nasisipag-uwiang residente para mapigilan ang paglaganap ng Covid-19.
Ayon kay Encabo, mga 20 LSIs ang nagtungo sa stadium noong Agosto 3 at sila ay pansamantalang ililipat sa police station o di kaya ay sa pasilidad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasalukuyan namang dini-disinfect ng mga awtoridad ang mga sasakyang ginamit ng naunang batch ng mga LSIs na pinauwi sa kani-kanilang mga lalawigan. Ang mga drayber naman at iba pang kabahaging personnel ay sumasailalim sa quarantine para matiyak na hindi sila mahahawa sa coronavirus.
Giit ni Encabo, “Sa mga kababayan kong LSIs, sana habaan n’yo iyong pasensya n’yo at pang-unawa dahil unang-una, limitado po ang mga transportation asset ng ating government”.
“Ginagawa po namin lahat ng makakaya at sa mabilis na panahon kayo ay maiuwi sa inyong probinsya,” dagdag pa nito.