Medical frontliners kay Duterte: ‘Hindi rebolusyon ang panawagan namin’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nilinaw ng isang grupo ng mga health workers noong Agosto 3 na hindi nila ipinanawagan kahit kailan ang rebolusyon nang humiling sila sa mga awtoridad na ibalik ang striktong lockdown sa Mega Manila.

Ipinahayag ng medical workers ang kanilang hinanaing sa isang online seminar sapagkat hindi aniya madali ang makakuha ng audience sa pangulo, ayon kay Dr. Antonio Dans, spokesperson ng Healthcare Professions Alliance against COVID-19.

“Emergency po ito… Gaano kadali bang kumuha ng audience with the President? Ganoon lang ba iyon, ‘pag sinabi namin, may audience kaagad? Mabuti kung may isang buwan kaming mai-schedule. Eh ‘di, ano nang nangyari ‘pag ganoon?” ani Dans.

Dagdag pa niya, “Hindi ho kami nagtatawag ng rebolusyon. Saan ba nanggaling iyon?”

Pinakinggan ng pangulo ang mungkahi ng mga medical workers at inanunsyong ipatutupad muli ang modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at apat pang karatig-lalawigan mula Agosto 4 hanggang 18.

Subalit, sinabihan din niya ang mga health workers na mag-“soul-searching” at huwag mamasamain ang pamahalaan sa pamamagitan ng pambabato ng kritisismo.

Next time, you can ask for an audience (Sa susunod, puwede kayong humingi ng audience). Pero ‘wag ho kayong magsigaw-sigaw, rebolusyon, rebolusyon,” wika ni Duterte.

Si Duterte umano ang “huling taong nakaalam” sa hiling ng mga medical frontliners, na kumalat online bago makarating sa pangulo, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.

Ipinaliwanag naman ni Roque ang komento ng pangulo tungkol sa rebolusyon at sinabing dahil ito sa mga kritiko ng administrasyon na umaawit ng Filipino version ng  “Do You Hear the People Sing” mula sa musical na “Les Miserables”. Ito ay nag-viral sa social media.

“Sunod-sunod kasi ang pangyayari na parang imposible naman na parang hindi sila related… Free speech po iyan pero hindi rin natin matatanggal iyong konteksto ng pangyayari,” giit ni Roque. 

Itinanggi naman ni Roque na sensitibo sa kritisismo ang pangulo.

“Hindi naman po siya maramdamin. Totoo po iyan, talaga namang ang mga kritiko ng gobyerno, pagsasamantalahan itong pandemya. Sabi lang niya, naku, sige na, fast forward na natin. Gusto n’yo talaga n’yan, gusto ninyong palitan ako, gusto n’yong magrebolusyon, ngayon na,” paliwanag ng tagapagsalita ng pangulo. 

LATEST

LATEST

TRENDING