Malacañang, dumudulog sa Kongreso at LGUs para sa ayudang ipamamahagi sa ikalawang lockdown

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Hinihingi ng Malacañang ang tulong ng Kongreso at mga local government units (LGUs) sa pagbibigay ng panibagong bugso ng ayudang pinansyal para sa mga mahihirap na pamilya na loob ng dalawang linggong lockdown na ipatutupad simula Agosto 4.

Iiral muli ang lockdown sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite mula Agosto 4 hanggang 18 alinsunod sa hakbang ng pamahalaan na pigilan ang lalo pang paglaganap ng Covid-19, kung saan pumalo na sa mahigit 103,000 ang bilang ng Covid-19 cases sa buong bansa.

Subalit, hindi katulad noong nakaraang mga lockdown, hindi pa tiyak kung makatatanggap ng ayuda ang mga mahihirap na pamilya.

“Congress will have to appropriate funds (Dapat maglaan ang Kongreso ng pondo) para dito sa third ayuda na ibibigay natin sa Metro Manila at sa apat na probinsya ng Region 4-A at Bulacan,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Roque, posibleng ipabilang ang badyet sa ₱140-bilyong pondong inilaan sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act na kasalukuyang nakabibin sa Kongreso. Ito ang magsisilbing panibagong stimulus program habang nasa kalagitnaan ng pandemiya ang bansa.

Maaari pang sumailalim sa pag-amyenda ang nasabing panukala sa bicameral conference committee ng Kamara at Senado bago ito isabatas.

“Sa panandalian po, titingnan natin kung anong kakayahan ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) na magbigay ng kahit kakaunting ayuda dito sa mga lugar na ito,” giit ni Roque.

Dagdag pa niya,”Inaasahan din natin na magbibigay kahit papaano ng ayuda ang mga local government units.”

Isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa modified enhanced community quarantine (MECQ) noong Agosto 2 ang Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite alinsunod sa panawagan ng ilang medical frontliners para sa “timeout”.  

Patuloy ang pagtaas sa bilang ng mga kaso sa nakalipas na mga araw partikular na sa Kalakhang Maynila.

Ilang miyembro naman ng economic team ang naunang tumutol sa ikalawang lockdown dahil hindi na umano ito kakayanin ng ekonomiya.

Gayunpaman, pinagbigyan ni Duterte ang hiling ng mga frontliners na patuloy na lumalaban sa Covid-19 pandemic sa nakalipas na limang buwan.

Ayon naman Roque, kinonsulta na aniya ng mga awtoridad ang mga alkalde ng Metro Manila noong Agosto 2, at sinabing limitado na ang mga pondo nila. Gagawa naman umano ang mga ito ng paraan para kumalapa ng pondo para sa ikalawang lockdown.

LATEST

LATEST

TRENDING