Medical frontliners na kabahagi ng Covid-19 response, may karagdagang benepisyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula sa: Department of Health

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Gabinete na magbigay ng karagdagang benepisyo para sa mga medical frontliners na tumutulong sa laban kontra Covid-19.

Kabilang dito ang risk allowance para sa mga pampribadong medical workers na nanggagamot ng Covid-19 patients, ayudang pinansyal mula ₱10,000 hanggang ₱15,000 para sa mga nahawa sa nakamamatay na sakit, life insurance, libreng akomodasyon, libreng transportasyon, at libre at malagiang testing.

Pinahintulutan din ng pangulo na dagdagan ang kasalukuyang bilang ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pag-hire ng 10,000 na karagdagang medical professionals, pati na rin ang pamamahagi ng 20 milyong face masks para sa mga mahihirap upang matiyak ang pagsunod sa minimum health standards.

Ang mga rekomendasyon ng Gabinete ay kabahagi ng pagtugon sa hinanaing ng  mga medical frontliners, na nanawagan ng dalawang linggong pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Mega Manila.

Kinalaunan ay ipinatupad ng pangulo ang modified ECQ sa Kalakhang Maynila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan simula Agosto 4 hanggang 18.

Bukod sa apela para sa pagpapatupad ng ECQ, ipinanawagan din ng mga fronliners ang pagtugon sa kakulangan ng mga manggagawa, labis na pagtitiwala sa rapid antibody tests na naglalabas ng maling resulta, at kakulangan ng contact tracing at quarantine facilities sa buong bansa.

Hiniling din ng mga ito sa mga awtoridad na maglabas ng malinaw na advisories para sa mga kumpanya para masiguro ang kaligtasan sa pinagtatrabahuhang lugar.

Tumutol naman ang mga ito sa pagbubukas ng mga non-essential industries, tulad ng gyms, review centers, at pet grooming services.

LATEST

LATEST

TRENDING