Pinagalitan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tiwaling local government officials, at nagbabala na mananagot ang mga ito kung bumuti na ang estado ng bansa sa pagtugon sa Covid-19 pandemic.
Sinabihan ng pangulo ang mga punong barangay, na huwag umasta na parang Diyos sa kani-kanilang mga barangay, at hindi karapat-dapat umano ilagay ang mga ito sa pamahalaan kung ganito ang klase ng ipinapakitang pag-uugali.
Aniya, “You are just a human being. I’m sure that you know nothing or little at all about governance if you are there into corruption (Tao ka lang. Alam kong wala kang alam sa pamamahala kung sangkot ka sa katiwalian)”.
Ayon kay Duterte, wala siyang respeto o pagmamalasakit sa mga kurap, at iginiit na hindi siya magdadalawang-isip na ipakulong o isuspinde ang mga ito.
Sa halip na ipagpatuloy ang kurapsyon, hinimok ng pangulo ang mga lokal na opisyal na “magtrabaho” sa pamamagitan ng striktong pagpapatupad ng localized lockdowns para mapigilan ang paglaganap ng coranvairus sa kani-kanilang lokalidad.
“It’s time that you really work (Oras na para kayo ay magtrabaho). Isauli mo sa tao ‘yung honor na ibinibigay nila sa inyo — ibinigay ninyo at ibinigay sa inyo ng tao,” diin ni Duterte.
Ipinag-utos din ng pangulo sa mga local government officials na maglabas ng mga kautusan o papeles katulad ng mga ordinansa sa loob ng tatlong araw o di kaya ay maharap sa kaso.
“I’m telling you now, kayong mga municipal, city — or I do not know if the provincial board is included — ‘pag hindi ninyo inilabas ‘yan beginning today, I’m going to give you exactly three days, report to the [Department of the Interior and Local Government], city, provincial, ibigay mo doon and for the DILG to inform Secretary [Eduardo] Año, ‘yung boss nila, na submitted na),”giit ng pangulo.
Nagbabala itong posibleng kasuhan ang mga opisyal na hindi agad na aaksyon.
Wika niya, “So the clock is ticking except on the days we do not hold office, I will count the 72 hours weekdays (Naglalakad ang oras bukod sa mga araw na walang opisina, bibilangin ko ang 72 oras ng weekdays). Tapos for example it has been there on Monday, then two to three days, should be on Thursday. If you fail to do that, I am directing Fiscal Yang to file the case immediately with the department or (Kung hindi mo magagawa, uutusan ko si Fiscal Yang na magsampa ng kaso sa loob ng departamento o) sa ano”.
Hindi pa malinaw kung sino ang nasabing “Fiscal Yang”, subalit ipinahayag ng pangulo na isa itong dating piskal mula Nueva Ecija.