Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na irekonsidera ang paghihigpit ng community quarantine sa Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ), ayon sa Malacañang noong Agosto 1.
Ito ay matapos manawagan ang medical front-liners sa administrasyon na ibalik ang ECQ sa Kalakhang Maynila hanggang Agosto 15 dahil sa patuloy na pagtaas sa bilang ng Covid-19 cases sa National Capital Region (NCR).
“President Rodrigo Roa Duterte has heard the concerns of the medical community and the Chief Executive has directed the Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases to act on these concerns immediately (Narinig ni Pangulong Duterte ang panawagan ng medical community at ipinag-utos niya sa IATF na agarang tugunan ito),” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sa taped public address na inere noong Hulyo 31, inanunsyo ni Duterte na mananatili ang Kalakhang Maynila sa general community quarantine (GCQ) hanggang Agosto 15.
Ginawa ng pangulo ang kapasyahan bagama’t naunang ipinahayag ng Malacañang nang ilang beses na posibleng ibalik ang striktong ECQ sa Kamaynilaan.
Umapela ang ilang medical workers na tumutulong sa laban kontra Covid-19 na ibalik ang ECQ sa Metro Manila mula Agosto 1 hanggang 15.
Ayon kay Dr. Mario Panaligan, pangulo ng Philippine College of Physicians, umaapela ang mga medical professionals dahil “pagod” na ang mga ito.
“We propose that the two-week ECQ be used as a time out to refine our pandemic control strategies (Umaapela kami na gawing ‘time out’ ang dalawang linggong ECQ para sa pagsasaayos ng ating mga estratehiya kontra Covid-19),” ani Panaligan.
Kinilala naman ng Malacañang ang ipinamamalas na dedikasyon ng mga medical frontliners sa patuloy na laban ng bansa sa Covid-19.
“We are grateful for their immense contributions to heal our people and our nation during these difficult times. Your voices have been heard. We cannot afford to let down our modern heroes. This is our commitment (Nagpapasalamat kami sa malaki ninyong kontribusyon sa pagbibigay lunas sa mga tao at sa bansa ngayong panahon ng krisis. Napakinggan ang inyong mga tinig. Hindi namin kayang biguin ang aming mga modernong bayani. Ito ang aming pangako),” wika ni Roque.