Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) noong Hulyo 31 na ang implementasyon nito ng “time-based tagging” o “mass recovery adjustment” kung saan idinedeklara bilang “recovered” ang mild at asymptomatic Covid-19 patients matapos sumailalim sa 14-day quarantine ay naaayon sa international standards.
Ito ay matapos makapagtala ang ahensya ng record-high na bilang ng mga recoveries na aabot sa 38,075 noong Hulyo 30, bagay na pinagdudahan at kinwestyon ng publiko kung paaano tinutugunan ng DOH ang datos ng Covid-19.
“’Yung clinical criteria hindi siya masyadong different from other criteria or countries,” giit ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Dagdag pa niya, “’Pag nakita ng physician na na-resolve ang symptoms we can already classify as clinically recovered.”
Inanunsyo ito ni Vergeire isang araw matapos ibunyag ng ahensya ang 38,075 additional recovered Covid-19 patients, kung saan 37,166 ay mula sa “Oplan Recovery” o inisyatibo ng ahensya tungkol sa data reconciliation sa mga local government units (LGUs).
Ang naturang kampanya at nagresulta sa re-tagging ng mild at asymptomatic patients bilang recovered, kung sila ay sumailalim na sila sa mandatoryong 14-day quarantine.
“Across countries, repeat testing is no longer required (Sa ibang bansa, hindi na kailangan ang repeat testing),” diin ni Vergeire bilang pagtugon sa tanong kung bakit itinigil ng bansa ang re-testing sa mga pasyente.
Sa umpisa ng pandemiya, ni-require ng pamahalaan ang dalawang negatibong swab tests mula sa pasyente bago i-discharge sa ospital. Subalit, binago ito sa pag-akyat ng Covid-19 cases.
Sa iprenesentang table ni Vergeire, makikita na ang recovery policy ng bansa para ituring na “clinically recovered” na ang pasyente ay ang pagkumpleto ng 14-day quarantine mula sa pagkakaroon ng sintomas o swabbing data para naman sa mga asymptomatic.
Ito ay kapareho sa palisiya ng Estados Unidos, subalit sampung araw lamang ang isolation. Tanging sa Vietnam lamang nire-require ang dalawang magkasunod nanegatibong polymerase chain reaction (PCR) tests.
Sinabi ni Vergeire na ito ay pagkonsidera sa kapasidad ng Vietnam na tugunan ang kanilang mga kaso. Kasalukuyang may 459 cumulative confirmed cases ang Vietnam kumpara sa 89,374 mga kaso ng Pilipinas.
“This (Vietnam’s testing criteria) is what we were implementing before until we changed our protocol because of the evidence that after the 10th day, a patient is no longer infectious (Ginagawa natin datin ang ginagawa ng Vietnam hanggang binago natin ito matapos magkaroon ng ebidensiya na matapos ang sampung araw, hindi na makakapanghawa ang pasyente),” paliwanag ni Vergeire.
Ayon sa opisyal, ang ibig sabihin ng “clinically recovered” ay ang pagkawala ng sintomas ng Covid-19.
Binanggit din ni Vergeire na ang “RT-PCR is a basis of infection but not a basis of recovery (ay batayan ng impeksyon at hindi ng recovery).”
“The RT-PCR machine, it detects the virus but it doesn’t tell you if that virus is still infectious (Dini-detect ng RT-PCR machine ang presensya ng virus subalit hindi nito masasabi kung makakapanghawa pa ito),” paglilinaw nito.
Ang sensitivity umano ng PCR tests ay makapagreresulta sa positibong tests dahil may mga “remnants” pa ng coronavirus bagama’t hindi na makapanghahawa pa, kaya kailangang manatili nang mas matagal sa ospital.
Pinaalalahanan din ni Vergeire na ang depinisyon nila ng recovered patients ay hindi bago. Binanggit na ito sa inilabas na Department Memorandum No. 2020-0258 noong Mayo 29, kung saan itinututring na recovered na ang pasyenteng may katamtamang sintomas o walang sintomas, kapag matapos na ang 14 days mula sa pagkakaroon ng sintomas o petsa ng specimen collection.
Subalit, nagkaroon umano ng iba’t-ibang interpretasyon mula sa kanilang reporting units.
Kaya iprenesenta rin ito ng DOH sa Inter-Agency Task Force on Covid-19, kung saan isinama ang “time-based” tagging sa huli nitong resolusyon.
Ipinakita rin ni Vergeire sa IATF kung ano ang nangyari matapos gamitin ang time-based tagging — tumaas ang porsyento ng recovered patients mula 30 percent sa 72 percent.
Tiniyak din niya sa publiko na sumailalim sa monitoring ng mga pamahalaang lokal ang mga pasyente.