Naunang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na ang mga reusable facemasks ay maaaring i-disinfect sa pamamagitan ng paglublob sa gasolina o diesel. Binanggit din ng pangulo na puwede pa nga umanong gamitin ang gasolina bilang panglinis ng kamay.
Ito ay taliwas sa babala ng US National Public Health Institute sa mga peligrong maaaring idulot sa kalusugan kapag nalanghap ang gasolina o di kaya ay ilagay ito sa balat.
Maaaring magdulot ng asphyxiation ang gasolina sa lugar na enclosed, walang bentilasyon o low-lying, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) sa isang advisory.
Idiniin din ng CDC na ang mahabang exposure ng balat sa gasolina ay maaaring makapag-degrease, magdulot ng iritasyon, o magresulta sa dermatitis.
Pareho namang itinuring nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang nasabing pahayag ni Duterte bilang biro o joke lamang.
“Kayo naman, 4 na taon na si Presidente, parang di n’yo pa kilala si Presidente. Joke only. Bakit naman tayo maghuhugas ng gasolina?” wika ni Roque noong Hulyo 23.
Subalit, iginiit ng pangulo na hindi siya nagbibiro at sinabing hindi siya maluluklok sa puwesto kung siya ay tanga.
Aniya, “Sabi nito si Duterte loko-loko, g*g*, kung loko-loko ako ikaw na sana ang nag-Presidente, di ako”.