Duterte, bibigyang prayoridad ang ‘poorest of the poor’ sa Covid-19 immunization program

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
KUHA NI: SIMEON CELI JR. (PRESIDENTIAL PHOTO)

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 30 na bibigyang prayoridad ng pamahalaan ang “poorest of the poor (pinakamahihirap)” sa isasagawang Covid-19 immunization program, kung darating na ang bakuna kontra Covid-19.

Aniya, “Ang mauna, ‘yung walang wala at saka of course those in the hospitals, ‘yung mga sick or dying. Ang una talaga ‘yung mga tao sa listahan na tumatanggap ng assistance sa gobyerno”.

Ayon naman kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, posibleng makapagbigay ng libreng bakuna para sa 20 milyong pinakamahihirap sa bansa ang pamahalaan.

Kung darating na ang bakuna, bibili nang hindi bababa sa 40 milyong doses ang pamahalaan sa tulong ng Philippine International Trading Corp, na popondohan naman ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines, dagdag pa ni Dominguez.

Samantala, makalalahok din sa libreng immunization ang middle-income earners, pulis, at sundalo, ayon kay Duterte.

“Pangalawa, ‘yung middle-income. Libre ito. Hindi ko ito ipagbili,” paglilinaw ng pangulo.

Dagdag pa niya, “Itong mga military na ito pobre ‘to. Mauna rin kayo. And also my military and my police because I need a strong backbone (Kasama ang pulis at militar kasi kailangan ko ng matatag na haligi). The backbone of my administration is the (Ang haligi ng aking administrasyon ay ang) uniformed personnel of government”.

Humingi naman ng tawad ang pangulo sa mga Pilipinong may-kaya, at sinabing kailangan nilang bilhin ang kanilang bakuna.

“Itong mga mayaman, huwag na ninyo akong isipin kasi hindi ako nag-iisip sa inyo. Sorry na lang,” giit ni Duterte.

Umaasa ang pangulo na magiging normal ang sitwasyon pagdating ng Disyembre at makakapagtuklas na ng bakuna ang China.

Nauna namang tiniyak ng China na bibigyang prayoridad ang Pilipinas kung sakaling makatuklas na ito ng bakuna laban sa Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING