NCR at Cebu City, isinailalim sa GCQ

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Veejay Villafranca (Bloomberg)

Bagama’t patuloy ang pag-akyat ng Covid-19 cases sa rehiyon,  mananatili sa general community quarantine (GCQ) ang Kalakhang Maynila.

Ito ang naging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte kahit na naunang nagbabala ang pamahalaan ng posibleng pagbabalik sa mas striktong modified enhanced community quarantine para sa buong National Capital Region (NCR), kung papalo sa 85,000 ang bilang ng mga kaso.

Kasalukuyang nasa 89,374 ang bilang ng Covid-19 cases sa buong bansa.

Gayunpaman, iginiit ni Presidential spokesperson Harry Roque na bagama’t tumataas ang bilang ng mga kaso, tinitignan din nila ang iba pang mga bagay sa pagdedesisyon hinggil sa estado ng quarantine, katulad ng case doubling rate at health care capacity.

Ayon kay Roque, “bumuti” na ang sitwasyon sa Kamaynilaan dahil sa mas mahabang case doubling rate sa sa ngayon ay nasa 8.9 days, na nangyari sa panahon ng GCQ.

Ipinaliwanag din ng tagapagsalita ng pangulo na bagama’t nasa “critical” level na ang critical care capacity ng mga ospital, ito raw ay dahil sa limitadong bilang ng mga higaan na inilaan para sa mga pasyente ng Covid-19.

Samantala, naunang inirekomenda ng mga Metro Manila mayors ang pagpapanatili ng rehiyon sa ilalim ng GCQ. Subalit, iginiit nila ang pagkakaroon ng kapangyarihang magpatupad ng localized lockdowns kung kinakailangan.

Nauna ring ibinalita ng Department of Health (DOH) na ang Covid-19 bed occupancy rate ng NCR ay tumama na sa “danger zone level” noong Hulyo 26, kung saan 82.2 percent ng mga higaan ay okupado na ng mga pasyente. Iniulat din ng ilang malalaking opsital sa rehiyon na naabot na nila ang full capacity para sa Covid-19 patients.

Hinimok ng mga mananaliksik mula University of the Philippines si Duterte noong nakaraan na higpitan ang quarantine sa Metro Manila, subalit tinanggihan ito ng pangulo dahil kailangang buksan ang ekonomiya.

Samantala, sasailalim naman ang Cebu City sa mas magaang GCQ.

Noong Hunyo, itinalaga ni Duterte si Environment Secretary Roy Cimatu bilang Covid-19 response chief para sa Visayas, kung saan nagdala ito ng daan-daang sundalo para iimplementa ang lockdown.

Nagdeploy din ang DOH nga mga doktor sa Cebu para tulungan ang laban nito kontra Covid-19.

Inirekomenda ni Cimatu ang pagpapagaan sa quarantine protocols ng lungsod makalipas ang ilang linggong lockdown.

Isinailalim din ni Duterte sa GCQ ang Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, at Rizal sa Luzon; Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City, Minglanilla at Consolacion sa Visayas; at Zamboanga City naman sa Mindanao.

LATEST

LATEST

TRENDING