Malacañang, iuulat sa Agosto 3 kung paano ginastos ang pondo sa Covid-19 response

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ipinahayag ng Malacañang noong Hulyo 29 na iuulat nito sa susunod na linggo ang paggastos ng pamahalaan ng pondong inilaan para sa Covid-19 response, kung saan pumalo na sa mahigit 85,000 ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipepresenta niya ito sa Lunes, Agosto 3.

Aniya, “Magkakaroon po tayo ng PowerPoint presentation on Monday kung magkano ‘yung natanggap ng gobyerno at paano po ginastos ‘yan para ipatunay po na wala pong tinatago ang gobyerno”.

Binanggit ni Roque na noong epektibo pa ang Bayanihan to Heal as One Act—ang batas na nagbigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte para tugunan ang Covid-19 krisis –nagsumite ng lingguhang ulat sa Kongreso ang Palasyo hinggil sa paggastos nito sa pondo ng taumbayan.

“Wala pong tinatago ang Presidente at ang Malacañang. Lahat po ng gastos, lahat po ng pera na ginastos para sa COVID-19, napunta po ‘yan para sa COVID-19 response ng gobyerno,” ani Roque.

Noong Hunyo, iniulat naman ni Budget Secretary Wendel Avisado na umabot na as P355 bilyon ang ginastos ng pamahalaan para tugunan ang Covid-19 pandemic. Sa halagang ito, sinabi ni Avisado na P247.52 bilyon ay nagmula sa pooled savings habang P96.7 bilyon naman ay hinugot mula sa unprogrammed appropriations.

Kinilala rin ng Malacañang ang panawagan ng ilang senador na magsagawa ng special audit para sa paggastos ng gobyerno para sa pandemiya.

Naunang naghain ng resolusyon si Senador Risa Hontiveros para hikayatin ang Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa pandemic spending bago umpisahan ang talakayan ng Kongreso tungkol sa 2021 national bugdet.

Umalingawngaw ang mga alegasyon ng overpricing na nakaapekto sa pag-implementa ng Bayanihan to Heal as One Act, batas na nagpahintulot sa pangulo na i-realign ang bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan at pabilisin ang proseso ng procurement.

“Dahil wala naman kami tinatago, we welcome the special audit, noting na talaga naman ia-audit po ‘yan ng COA dahil ang COA po post-audit po ang kanilang ginagawa,” giit ni Roque.

Tiniyak din ni Covid-19 policy chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. sa publiko na sa pandemiya lamang iginugol ang pondong inilaan para rito.

“Makakaasa po kayo na lahat ng salapi para sa COVID-19 ay talaga pong tinutuon sa pangangailangan natin,” wika ni Galvez.

Ang panawagan para sa special audit ay suportado rin nina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Senate Finance Committee Chair Sonny Angara, Sen. Panfilo Lacson, at minority Senators Franklin Drilon, Francis Pangilinan, at Leila de Lima.

LATEST

LATEST