Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 30 na posibleng manggaling sa China ang kauna-unahang bakuna kontra Covid-19.
Sa isang taped address na inere noong Hulyo 31, umapela ng pasensiya ang pangulo mula sa taumbayan at sinabing umaasa siyang maibabalik na ang normal na pamumuhay sa Disyembre.
Aniya, “I promise you, by the grace of God, I hope by December we will be back to normal (Nangangako ako, sa awa ng Diyos, sana maging normal na tayo sa Disyembre)”.
Dagdag pa ng pangulo, “Ang una nga makuha siguro natin from China”.
Ayon sa kanya, nakapag-ulat na ng progreso sa paggawa ng bakuna ang mga kumpanyang Sinopharm at Sinovac sa China.
Nasa China ang dalawa sa tatlong pinaka-advanced na Covid-19 vaccine na nakapasok na sa Phase 3 trials, o malakihang testing sa mga tao – ang ikahuling hakbang bago ang regulatory approval.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address noong Hulyo 27, binanggit ni Duterte na umapela siya kay Pangulong Xi Jinping ng China na bigyang prayoridad ang Pilipinas kung sakaling makagawa na ng bakuna laban sa nakamamatay na sakit. Tiniyak naman ito ng China.
“Nangako sila na may priority tayo,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, “Hintayin lang ninyo by December kung makatiis kayo kasi kung maglabas kayo patay din eh”.
Ayon sa opisyal na datos noong Hulyo 30, umabot na sa 89,374 ang bilang ng mga Covid-19 cases sa bansa, kung saan 22,327 ang mga kasong aktibo.