Duterte, hinikayat ang telcos na magsumbong kung sinasabotahe ng LGUs ang pagtatayo ng cell site

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga telecommunications companies noong Hulyo 31 na isumbong sa mga opisyal ng Gabinete kung sila ay hinaharangan ng mga local government units (LGUs) na makapagtayo ng cell sites sa bansa.

Sa isang televised address, sinabi ni Globe Telecom president at CEO Ernest Cu kay Duterte na 28 hanggang 30 permits ang kanilang isinusumite sa LGUs at nagtatagal nang mahigit walong buwan ang pagtatayo ng isang tower.

Bukod sa problema sa permitting, pinoproblema rin ng telcos ang miscellaneous fees, kabilang ang tower fees at special use permits, ayon kay Cu.

“Alam mo ‘you can ask Bong (Senator Bong Go), or Sonny (Finance Secretary Carlos Dominguez III) or the generals, kay Sec. (Eduardo) Año. Isumbong niyo na lang ng diresto,” giit ng pangulo.

Dagdag pa ng pangulo, “At ang order ko sa Cabinet ngayon is to really take the, ‘kung pinakamabigat, the most drastic measure that you can find, para magkaintindihan. This is my last mile”.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, nagbanta si Duterte na ipasasara niya o ie-expropriate ang mga telcos kung hindi pa rin maaayos ang serbisyo ng mga ito sa Disyembre.

Pabiro namang idinagdag ng pangulo na bibitayin niya sa Cu sa isa sa mga tower ng Globe kung walang pagbabagong magaganap.

Aniya, “I will hang you in one of your towers (Bibitayin kita sa isa ninyong tower). Sabi niya ‘Mayor, you cannot do that because there is no tower (hindi mo magagawa iyan kasi walang tower). The local governments are all f—–g it up (Sinasabotahe ito ng mga LGUs)”.

Ipinahayag naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sa parehong briefing na target nilang bawasan ang oras ng pagpoproseso ng mga permits sa 16 hanggang 20 na mga araw.

Itinutulak ng administrasyon ang ease of doing business para mapaikli ang permitting process, kabilang na ang konstruksyon ng telco towers.

Sinabi naman ng parehong Globe Telecom at PLDT Inc na ginagastusan na nila ang pagpapalawak at pagsasaayos ng serbisyo sa bansa.

Inaasahan naman ang pagpasok ng ikatlong telecommunications company na DITO Telecommunity, na makikipagkumpitensya sa Globe at PLDT, sa Marso 2021.

LATEST

LATEST