Utang ng Pilipinas, pumalo na sa mahigit ₱9 trilyon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Michael Varcas (The Philippine STAR)

Lumobo na sa mahigit ₱9 trilyon ang utang ng Pilipinas noong Hunyo dahil sa pangungutang ng pamahalaan para tugugan ang Covid-19 pandemic, ayon sa Bureau of the Treasury noong Hulyo 29.

Sa isang pahayag, ibinunyag ng Treasury na umabot sa ₱9.05 trilyon ang outstanding loans ng bansa sa unang bahagi ng taon, at nagdagdag pa ng ₱163.3 bilyon simula Mayo habang nangutang ng mas maraming pondo ang pamahalaan mula sa parehong lokal at foreign sources.

Sumobra naman nang P1.3 trilyon ang hiniram ng mga awtoridad kung ihahambing sa 2019 debt level, bunsod ng pagkukumahog ng gobyerno na kumalap ng pondo para sa Covid-19 response. Malaki ang naging gap dahil sa mababang koleksyon ng buwis bunsod ng pagpapatupad ng lockdown na nagresulta sa pagsasara ng ilang negosyo nang ilang buwan.

Karamihan sa mga pondo ay kinuha mula sa domestic investors na nasa ₱6.2 trilyon. Sa halagang ito, ₱1.1 trilyon ang inutang mula Enero hanngang Hunyo.

Nag-isyu naman ang Treasury ng debt notes at naglagda ng ₱300 bilyong short-term credit line mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas para tugunan ang cash position nito, na payable sa anim na buwan.

Ang natitirang one-third naman ay kinuha mula sa mga foreign lenders na umabot sa ₱2.9 trilyon. Ito ay mas mataas nang 10 percent kung ikukumpara sa end-2019 levels, na pinagaan ng malakas na peso exchange rate na ₱49.70 bawat dolyar.

Para sa Hunyo, nakakuha ang pamahalaan ng ₱413.5 bilyon mula sa foreign borrowings, laban sa ₱113.5 bilyong utang na binayaran sa parehong buwan.

Nakakuha rin ang pamahalaan ng program loans na nagkakahalaga ng ₱216.3 bilyon para sa Covid-19 response, kabilang ang ₱130.5 bilyon mula sa Asian Development Bank at ₱85.8 bilyon mula sa World Bank.

Bilang developing economy, mas malaki ang ginagastos ng bansa kumpara sa nakokolekta nitong kita para makapaglunsad ng mga proyekto kagaya ng Covid-19 response.

Naglaan naman ang gobyerno ng ₱460 bilyon para sa maturing debts nito.

LATEST

LATEST

TRENDING