NCR mayors, nais palawigin ang GCQ sa Metro Manila

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Mark Demayo (ABS-CBN News)

Pabor ang karamihan ng mga alkalde ng Kalakhang Maynila na palawigin ang general community quarantine (GCQ) sa Agosto, ayon sa chairman ng Metro Manila Council noong Hulyo 29.

“Pinarating namin sa aming regional director sa DILG (Department of Interior and Local Government) ‘yung consensus ng mga mayor na talaga pong extended GCQ ang gusto ng karamihan,” ani Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.

Naunang sinabi ng Malacañang na posibleng mag-anunsyo ng panibagong quarantine protocols si Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 30, habang pumalo na sa mahigit 85,000 ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa.

Ayon naman kay Olivarez, itutulak umano ng mga alkalde ang pagpapatupad ng localized lockdowns, na naging epektibo aniya para mapigilan ang paglaganap ng coronavirus.

“Basically katulad sa Paranaque, hindi lahat ng 16 barangays namin meron siyang critical zone. Meron kaming mga barangay na halos nagpa-plateau na po ang Covid-19 cases. Bakit isa-sacrifice ang barangay ng ibang lugar na maganda na po siya?” giit ng alkalde.

Mahalaga aniya ang pagbabalanse ng pagbubukas ng ekonomiya at patuloy na paglaban sa banta ng Covid-19.

Aniya, “Alam naman natin na hirap na hirap na ang taong bayan pero we couldn’t prejudiced ‘yung health protocol para nga malabanan itong Covid-19”.

Gayunpaman, susunod daw sila kung ibabalik ng pamahalaan sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila, ayon kay Olivarez.

Kung mananatili naman ang rehiyon sa GCQ, magpapatawag naman sila aniya ng striktong implementasyon sa health protocols, tulad ng pagsusuot ng face masks, physical distancing, at curfew.

Umabot na sa 45,969 ang Covid-19 cases sa Metro Manila, ang sentro ng pandemiya sa bansa, batay sa datos ng Department of Health noong Hulyo 28.

Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magiging “living experiment” ang Metro Manila sa laban ng bansa kontra Covid-19.

Metro Manila will be a living experiment and it’s an experiment that we believe we can be successful at, and it will be something that we can be proud of (Magiging buhay na eksperimento ang Metro Manila at naniniwala kaming isa itong eksperimentong ating mapagtatagumpayan at maipagmamalaki),” wika ng tagapagsalita ng pangulo.

LATEST

LATEST

TRENDING