China, nangakong prayoridad ang Pilipinas sa Covid-19 vaccine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Xi Jinping ng China at Pangulong Rodrigo Duterte

Pinuri ng pamahalaan ng China ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, partikular na ang pagtutulak ng pangulo para sa isang malayang foreign policy at estratehiyang non-confrontational hinggil sa sigalot sa West Philippine Sea.

Sa isang press conference noong Hulyo 28, sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin na ang talumpati ni Duterte ay “naaayon sa mga pangunahing interes ng Pilipinas, sa parehong aspirasyon ng mga karatig-bansa, at sa mga pangyayari para sa kapayapaan at kaunalaran”.

We appreciate President Duterte’s remarks and stand ready to properly resolve maritime disputes with the Philippines through friendly consultations to jointly safeguard peace and stability in the South China Sea and the entire region (Pinahahalagahan namin ang mga naging pahayag ni Pangulong Duterte at nakahanda kaming resolbahin nang wasto ang sigalot sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga pagpupulong para matiyak ang kapayapaan sa South China Sea at sa buong rehiyon),” giit ni Wang.

Idiniin niya ang “wastong” pagsasaayos ng mga hidwaan para masiguro ang kapayapaan sa rehiyon.

Ito ay kabaliktaran naman sa reaksyon ng mga Pilipino sapagkat pinaulanan muli ng pambabatikos ang pangulo matapos sabihing “inutil” ito at wala nang magagawa sa isyu sapagkat hindi umano kayang makipagdigmaan ng Pilipinas sa China.

Subalit, nilinaw naman ni Retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi kailangang makipagdigmaan ng Pilipinas sa China para igiit ang mga karapatang nito, katulad ng ginawa aniya ng Vietnam, Malaysia, at Indonesia na may kanya-kanyang problema sa China.

Hindi tinatanggap ng China ang kapasyahan ng international tribunal sa The Hague noong 2016 na pumabor sa Pilipinas at ibinasura ang pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea. Gayunpaman, nagpasya umano ang dalawang bansa na isantabi ang nasabing kapasyahan.

Sa kanyang SONA, binigyang diin din ng pangulo ang kanyang panawagan sa China na bigyang prayoridad ang bansa kung sakaling makatuklas na ng bakuna kontra Covid-19 ang mga Chinese.

Noong Hunyo 12, ang ika-122 na anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas,  sinabi ng Malacañang na tiniyak ni Chinese President Xi Jinping kay Duterte na bibigyang prayoridad ang Pilipinas kung sakaling magkakaroon na ng bakuna. Kinumpirma rin ito ni Wang.

LATEST

LATEST