Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang face-to-face learning hangga’t walang bakuna kontra Covid-19, sa paglalahad niya ng kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27.
Ito ay taliwas sa nauna niyang desisyon na pahintulutan ang face-to-face classes sa mga Covid-19 low-risk areas. Sinabi ng pangulo na hindi niya ilalagay sa peligro ang buhay ng mga mag-aaral at guro.
Aniya, “Until the COVID-19 vaccine is available, I will not allow the traditional face-to-face teaching or learning (Hangga’t wala pang bakuna, hindi ko papayagan ang tradisyunal na face-to-face na pagtuturo o learning)”.
Iniisip ng pangulo na ibalik ang klase sa Enero, sakaling may bakuna na sa panahong iyon.
“Life that is lost is lost forever. Education that is delayed can be recovered (Ang buhay na nawala ay hindi na maibabalik kailanman. Ang naantalang edukasyon ay puwede pang mabawi),” giit ni Duterte.
Binigyang diin din niya ang maayos na pag-implementa ng online at modular learning para sa mga mag-aaral bilang alternatibo sa face-to-face teaching habang nasa kasagsagan ng pandemiya.
Samantala, binanggit din ni Duterte na determinado siyang itatag ang Public Education Network (PEN) ng Department of Education (DepEd) bago magtapos ang kanyang termino sa 2022.
Makatutulong daw ang PEN upang ikonekta ang lahat ng pampublikong paaralan sa bansa, lalo na ang mga nasa malalayong lugar sa pamamagitan ng satellite na pinapatakbo ng solar panels.
“We plan to increase schools with ICT equipment in the coming months. The DepEd is buidling PEN that will connect all public schools and DepEd offices nationwide (Plano nating taasan ang mga paaralan na may ICT equipment sa darating na mga buwan. Ginagawa ng DepEd ang PEN para ikonekta ang lahat ng pampublikong paaralan at tanggapan ng DepEd sa buong bansa),” paliwanag ng pangulo.