Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso na ipasa na ang ikalawang bersyon ng Bayanihan Law upang mapabilis ang pagbangon ng bansa mula sa Covid-19 pandemic.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, pinasalamatan ng pangulo ang dalawang kapulungan ng Kongreso para sa agarang pagpapasa ng Bayanihan 1 o ang “Bayanihan to Heal As One Act” na nagbigay ng emergency powers sa kanya upang i-realign ang pambansang badyet nang matugunan ang pandemiya.
Nakikiusap naman ngayon si Duterte sa Kongreso na ipasa na ang Bayanihan 2 o “Bayanihan to Recover as One Act”.
“This health emergency stretched the government’s resources to its limits (Inabot hanggang sukdulan ang pondo ng pamahalaan dahil sa krisis pangkalusugan na ito),” ani Duterte.
Dagdag pa ng pangulo, “I hope that they can [give] the same treatment of clarity, purpose, and the fastness to support the passage of ‘Bayanihan to Recover as One’ Act, which are supplement funds for recovery and response against the impact of Covid-19 pandemic (Sana ay bigyan nila ng parehong pagtrato sa pagiging klaro, pagkakaroon ng layunin, at kabilisan ang pagpasa ng ‘Bayanihan to Recover as One’ Act, na may supplement funds para sa pagtuon sa epekto ng Covid-19 pandemic)”.
Sa Bayanihan 2, maglalaan ng P140 bilyon para sa iba’t-ibang socioeconomic at health programs bilang kabahagi ng recovery plan ng gobyerno habang nasa gitna ng pandemiya.
Tiniyak naman ng Senado na aaprubahan nito sa ikatlo at panghuling pagbasa ang Bayanihan 2 matapos ang SONA ng pangulo.
Bukod dito, nakiusap din si Duterte sa mga mambabatas na pabilisin ang pagpasa ng mga economic measures katulad ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act at ang Financial Institution Strategic Transfer (FIST) Act para makatulong sa pagbangon ng ekonomiya.
Ang CREATE Act, na dating Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA), ay layong bawasan ang corporate income tax rate mula sa kasalukuyang 30 percent pababa sa 25 percent.
Ang FIST naman ay nagpapahintulot sa mga bangko at iba pang financial institutions na ilipat ang mga alanganing loans sa asset management companies.