PRRD sa West PH Sea isyu: “Inutil ako diyan”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27 na “inutil” ito “walang magagawa” sa pagkamkam ng China ng teritoryo sa South China Sea, kung saan ang ilang bahagi nito ay inaangkin din ng Pilipinas.

Dapat umanong “kumalma na lang” ang Pilipinas at idaan sa diplomasya ang problema ng bansa sa China dahil hindi kaya ng bansa na makidigma sa mas makapangyarihang bansa.

Aniya, “China is claiming it, we are claiming it. China has the arms. We do not have it so it’s simple as that. They are in possession of the property… So what can we do? We have to go to war, and I cannot afford it. Maybe some other President can, but I cannot (Parehong inaangkin ito ng China at Pilipinas. May armas sila. Wala tayong armas so ganun ka simple. Nasa kanila na yung lugar… Ano ang magagawa natin? Kailangan nating makidigma at wala tayong pondo. Maaaring puwede sa ibang pangulo, pero hindi ko kaya)”.

“Inutil ako diyan and I’m willing to admit it. Talagang inutil ako d’yan, walang magawa,” giit ni Duterte.

Mariing tinatanggihan ng China ang kapasyahan ng isang international tribunal noong 2016 na nagbasura sa aniya’y “historic rights”ng China sa halos 90 porsyento ng South China Sea. 

Isinantabi ni Duterte ang naturang kapasyahan sa alinsunod sa pagpapalakas ng kalakalan sa pagitan ng China at Pilipinas.  

Ipinahayag naman ng pangulo na bagama’t “wala” tayo laban sa Estados Unidos at China, ayaw niya na magtayo ang sinumang banyaga ng base militar sa bansa.

“Maglagay-lagay ka ng base at this time, this will ensure if war breaks out — because there will be atomic arsenals brought in — this will ensure the extinction of the Filipino race (uubusin mo ang lahi ng mga Pilipino kung magdadala ka ng mga atomic na armas),” wika ng pangulo.

Dagdag pa niya, “We work without fail to protect our rights in the South China Sea, neither beholden, not a pawn to anyone (Gagawin namin nang walang kapalpakan ang pagprotekta sa karapatan sa South China Sea, at hindi tayo pain o alipin kaninuman)”.

Nagpahayag naman ng reaksyon si dating Supreme Court senior Associate Justice Antonio Carpio sa mga binitawang salita ni Duterte, at iginiit na hindi kailangang makidigma ng Pilipinas sa pagsulong ng karapatan nito sa West Philippine Sea.

“War is not even an option because the UN Charter outlaws resort to war to settle territorial or maritime disputes. Moreover, the Philippine Constitution renounces war as an instrument of national policy, which means the Philippines cannot go to war to enforce the arbitral ruling (Hindi opsyon ang digmaan para lutasin ang mga sigalot dahil iligal ito ayon sa UN Charter. Hindi rin kinikilala ng ating Saligang Batas ang pakikidigma bilang instrumento ng pambansang palisiya, na nangangahulugang hindi tayo maaaring makidigma para igiit ang arbitral ruling),” paliwanag ni Carpio.

LATEST

LATEST