PRRD, pinasalamatan ang mga opisyal sa ‘pagkontrol’ sa pandemiya, bagama’t tumataas ang Covid-19 cases

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27 ang kanyang mga opisyal sa pagtiyak na “kontrolado” ang Covid-19 pandemic, bagama’t mabilis ang pag-akyat ng mga kaso sa bansa.

Aniya, “I also thank the men and women of the inter-agency task force on emergent infectious diseases and the national task force against COVID-19 for all the countless hours spent to keep the pandemic in check and for all the efforts it made to ensure the safety of our people (Pinasasalamatan ko rin ang mga miyembro ng IATF-EID at NTF against Covid-19 para sa maraming oras na kanilang iginugol para makontrol ang pandemiya at sa lahat ng hakbang na ipinatupad nila para tiyakin ang kaligtasan ng taumbayan)”

Inilahad ng pangulo ang kanyang ikalimang SONA sa harap ng 50 na mga mambabatas at opisyal habang pumalo na sa 82,040 ang bilang ng mga Covid-19 cases sa bansa.

Naunang ipinahayag ng mga dalubhasa mula University of the Philippines ang kanilang prediksyon na posibleng umabot sa 80,000 hanggang 85,000 ang bilang ng mga kaso sa dulo ng buwan.

Nauna ring ipinahayag ng World Health Organization (WHO) na kinakailangan ng Pilipinas na paigitingin ang pagsasagawa ng contact tracing sa halip na magpatupad lamang ng mga hard lockdowns para pigilan ang paglaganap ng coronavirus.

Para naman kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ginawa umano ng gobyerno ang makakaya nito sa kapasidad nito para tugunan ang epekto ng pandemiya sa pamamagitan ng pagpapaigting sa healthcare system at pamamahagi ng ayudang pinansyal para sa mga mahihirap na kababayan.

Samantala, pinasalamatan din ng pangulo ang mga manggagawang tiniyak ang patuloy na suplay ng mga utilities at pangunahing serbisyo, pati na rin ang mga awtoridad at security guards na nagpanatili ng kapayapaan at kaayusan.

You showed us kindness and selflessness. You gave us strength, you risked your own lines (sic) to serve the greater good in keeping the Filipino spirit of bayanihan (Hindi kayo naging makasarili. Binigyan niyo kami ng lakas, ibinuwis ang inyong buhay para itaguyod ang diwa ng bayanihan ng mga Pilipino),” ani Duterte sa mga frontliners.

Pinuri rin ni Duterte ang mga local government units (LGUs) na nagpamalas ng kahusayan sa pagpapatupad ng iba’t-ibang inisyatibo para sa kanilang mga nasasakupan.

Hinimok din nito ang mga lokal na opisyal na isantabi ang pulitika at pansariling interes at ibaling ang atensyon sa paggawa ng tama para sa ikabubuti ng lahat.

LATEST

LATEST

TRENDING