Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27 na ipasasara niya ang lahat ng telecommunication providers at posible ring i-“expropriate” kung hindi maaayos ang kanilang serbisyo sa Disyembre.
Hinimok ng pangulo ang PLDT at Globe Telecom na ayusin ang serbisyo o di kaya ay harapin ang “pagsasara” o “expropriation.”
“Kindly improve the services before December. I want to call Jesus Christ in Bethlehem, better have that line cleared…If you are not ready to improve, I might just as well close all of you and we revert back to the line telephone (Paki-ayos ang serbisyo ninyo bago mag Disyembre. Gusto kong tawagan si Hesus sa Bethlehem, pakiklaro ang linya… Kung hindi niyo aayusin, ipasasara ko kayo at babalik na lang tayo sa telepono) at kukunin ko yan expropriate ko sa gobyerno,” giit ni Duterte.
Dagdag pa niya, “Kung ganon din naman ang ibigay niyo sa amin, we are a republic sovereign country, bear that in mind because the patience of the Filipino people is reaching its limit and I will be the one to articulate the anger of the Filipino people (isa tayong republika, tandaan niyo yan kasi ubos na ang pasensiya ng mga Pilipino at ako ang magpapahayag ng galit nila)”.
Nangako si Duterte na gugugulin niya ang nalalabing dalawang taon ng panunungkulan sa pagsasaayos ng telecommunication services sa bansa sa tulong ng Kongreso.
Aniya, “Kung wala kayong pera umalis kayo rito. You give us half-cooked transactions, lousy service tapos ang tao nagbabayad. Tell us now if you cannot improve on it…I have 2 years, the next two years will be spent improving the telecommunications in this country without you (Sabihan niyo kami kung hindi ninyo maaayos… May dalawang taon pa ako at gagamitin ko ito sa pagpapabuti ng telecommunications sa bansa nang wala kayo)”.
“I will find a way. I will talk to Congress and find a way how to do it (Gagawa ako ng paraan. Dudulog ako sa Kongreso at gagawa ng paraan kung paano maisasakatuparan),” ani Duterte.
Ang Globe Telecom ay isang unit ng Ayala Corp. habang si Manny Pangilinan naman ang nagsisilbing Chairman ng PLDT Inc.