Nurses at seafarers, nanawagan kay PRRD na bigyan sila ng prayoridad ngayong Covid-19 pandemic

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Toto Lozano (Presidential Photo)

Bago ganapin ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 27, ilang mga manggagawa ang nanawagan sa administrasyon na bigyang prayoridad ang mga frontliners sa laban kontra Covid-19.

Nanawagan ang Filipino Nurses United sa pamahalaan na bigyang prayoridad ang health sector patungkol sa pagpaplano ng badyet dahil wala umanong senyales na matatapos na ang pandemiya sa nalalapit na hinaharap.

“(Kami ay) nananawagan na sana po gawin po ng pamahalaan na ito na priority ang health… kasi po noong mga nakaraan pong taon ng administrasyon niya ay lagi na lang pong kulelat sa budget ang health services, kaya po ang ating mga programa ay kinakapos pagdating sa implementation,” ani Filipino Nurses United President Maristela Abenojar.

Ipinanawagan din ng grupo ang mass hiring ng mga nurses para mapunan ang mga bakante sa mga ospital na may limitadong manpower.

Aniya, “Bago pa po pumasok ang pandemya sa COVID-19, ay dati nang may shortage ng nurses sa ating bansa. Noong pumasok po itong COVID-19 ay lalo pong naghirap ang ating mga kasamahang nurses dahil marami sa kanila ay unti-unti na rin hong nagkakasakit”.

Naunang binanggit ng Department of Health (DOH) noong nakaraang linggo na tinitignan nito ang mga reklamo ukol sa understaffing sa ilang ospital, habang tumataas ang bilang ng mga frontliners na nahahawa sa Covid-19.

Ayon sa datos noong Hulyo 18, mahigit 3,000 health workers na sa buong bansa ang nagpositibo sa nakamamatay na sakit.

Samantala, umapela rin ang isang grupong mandaragat kay Duterte na bigyang prayoridad din ang kanilang sektor dahil frontliners din umano sila sa laban kontra Covid-19.

“Frontliners din kami, kagaya ng ating nurses at mga doktor; kasi kami ang nagdadala ng kalakal sa buong mundo. Kung wala kami, mawawalan tayo— ang buong mundo ang maghihirap,” pahayag  ni United Filipino Seafarers President Nelson Ramirez.

Sinabi ni Ramirez na tinatayang 120,000 Filipino seafarers ang naapektuhan ng pandemiya, kabilang ang hindi bababa sa 60,000 na naghihintay na makasakay sa kani-kanilang mga barko.

Nanawagan din ito sa mga opisyal na imbitahin ang mga mandaragat sa konsultasyon sa pagbabalangkas ng panukalang paggawa ng departamento para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

LATEST

LATEST

TRENDING