Hindi nag-atubili si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbirada sa ABS-CBN sa unang limang minuto ng kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27.
Muling inulit ng pangulo ang kanyang mga hinanaing laban sa network at sa pamilya Lopez na nagmamay-ari nito.
“Media is a powerful tool in the hands of oligarchs like the Lopezes who use it in their battle with political figures. I am a casualty of the Lopezes during the 2016 elections (Makapangyarihan ang media sa kamay ng mga oligarko tulad ng mga Lopez na ginagamit ito sa laban nila kontra mga kaaway sa pulitika. Isa ako sa ‘casualty’ ng mga Lopez noong 2016 elections),” ani Duterte.
Ang pahayag ni Duterte ay taliwas sa naunang pahayag ng Malacañang na “neutral” ang pangulo sa isyu ng network.
Binanatan din ng pangulo si Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil umano sa pagdepensa sa pamilya Lopez.
“In an interview, he arrogantly mentioned, among others, that oligarchs need not be rich. Then he linked the anti-dynasty system with oligarchy and the topic was my daughter and son (Sinabi niya sa isang panayam na hindi kailangang maging mayaman ang mga oligarko. Tapos iniugnay niya ang anti-dynasty system sa oligarkiya, at ginawang paksa ang aking mga anak),”giit ni Duterte.
Dagdag pa niya, “This happened after the committee on [legislative] franchises voted to deny the grant of franchise to ABS-CBN. Obviously, he was defending the Lopezes that they are not oligarchs (Nangyari ito matapos tanggihan ng committee on legislative franchises na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN. Klarong dinidepensahan niya ang mga Lopez sa pagsabing hindi sila oligarko)”.
Tinutukoy ni Duterte ang pahayag ni Drilon na dapat wakasan ang pamamayagpag ng political dynasties para tuluyang mabuwag ang oligarkiya sa bansa.
Ito ang naging reaksyon ni Drilon sa nauna namang pahayag ni Duterte na “nabuwag niya ang oligarkiyang kumukontrol sa ekonomiya” ilang araw matapos tanggihan ng Kamara ang ABS-CBN franchise renewal.
Si Duterte ay may sariling political clan. Ang kanyang babaeng anak na si Sara Duterte-Carpio ay kasalukuyang alkalde ng Lungsod ng Davao, habang ang kanyang bunsong anak na lalaki na si Sebastian “Baste” Duterte, ang vice mayor. Ang kanyang isa pang anak na lalaki namang si Paolo Duterte, ay kasalukuyang representante ng unang distrito ng Davao City.