18th Congress, binuksan ang ikalawang regular na sesyon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Opisina ni Sen. Sherwin Gatchalian

Binuksan na ng Senado at Kamara de Representantes ang ikalawang regular na sesyon ng 18th Congress noong Hulyo 27 ng umaga, ilang oras bago ilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).

Pinukpok ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang gavel alas-diyes ng umaga, hudyat ng opisyal na pagbabalik ng sesyon.

Sa Senado, 17 mula sa kabuuang 24 na mga senador ang pisikal na dumalo. Naglagay din ng acrylic dividers sa pagitan ng mesa at upuan ng mga mambabatas para matiyak ang physical distancing sa session hall. Ang anim naman ay birtuwal na dumalo sa pamamagitan ng Zoom teleconferencing app, habang hindi naman nakadalo ang naka-detain na si Senador Leila de Lima.

Walong senador na kaalyado ni Duterte ang pinili para dumalo sa SONA at sumailalim ang mga ito ng swab test noong Linggo. Sasailalim din sila sa rapid test bago pumasok sa Batasang Pambansa Complex sa Lunes ng hapon.

Sila ay sina Sotto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Pia Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Christopher “Bong” Go, Bong Revilla, at Francis Tolentino.

Naantala naman ang pagbubukas ng Kamara ng ilang minuto dahil sumailalim pa sa rapid testing ang mga kongresista at kanilang staff.

27 na mga kongresista naman, karamihan ay kaalyado ng administrasyon, ang piniling makadalo sa plenaryo para matunghayan ang SONA.

Subalit, sinabi naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, isa sa mga piniling attendees, na nagpositibo ito sa matapos lumabas ang resulta ng kanyang swab test.

21 na mga kongresista ang pisikal na dumalo sa plenaryo Lunes ng umaga, habang 280 naman ay birtuwal na dumalo.

Iginiit naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano na bibigyang prayoridad ng Kamara ang pagpapasa sa 2021 national budget at ang road map for the Covid-19 recovery sa agenda nito.

Tatalakayin din ng parehong kapulungan ng Kongreso ang Bayanihan to Recover as One o ang Bayanihan II bill na layong tulungan ang pamahalaan na tugunan ang pandemiya.

Uumpisahan naman ng Senado ang imbestigasyon tungkol sa pagkamatay ng ilang high-profile inmates sa New Bilibid Prison at ang mga alegasyon ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

LATEST

LATEST

TRENDING