PRRD, tatalakayin nang detalyado ang Covid-19 krisis sa ikalimang SONA

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nakatakdang magpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng bayang nakikipaglaban sa krisis pang-ekonomiya at pangkalusugan buhat ng Covid-19 sa Lunes, Hulyo 27.

Kabilang sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte sa Lunes ay ang paglalabas ng isang recovery plan para sa pagtatapos ng pandemiya sa bansa pati na rin ang ulat ukol sa Covid-19 response ng pamahalaan.

Pisikal na dadalo ang pangulo sa Batasang Pambansa sa Quezon City, ang tradisyunal na venue ng SONA.

Subalit, ilang miyembro ng Gabinete at Kongreso lamang na nagnegatibo sa RT-PCR at rapid tests ang papahintulutang makapasok sa session hall.  Ito ay taliwas sa mga nagdaang SONA kung saan laging puno ang venue at may red carpet entrance pa para sa mga opisyal at kanilang mga asawa na tila naging “fashion show”.

Ngayong taon, kahit media personnel ay hindi papayagang makapasok sa venue. Maaari lamang kumuha ng broadcast feed ang mga ito mula sa pampublikong istasyong Radio Television Malacañang.

Nakapagkumpirma ang RTVM, pati na rin ang Mababang Kapulungan ng mga Covid-19 cases sa kanilang mga kawani subalit tiniyak ng mga awtoridad na ang mga madedeploy lamang sa venue ay mga Covid-19 free na mga personnel.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaasahang tatalakayin ni Duterte nang detalyado ang pananalasa ng Covid-19 krisis sa ating bansa. Isasapubliko nito umano ang isang road map for recovery bilang pagtugon sa pagbagsak ng ekonomiya sa kauna-unahang pagkakataon simula 1998.

Habang pinapagaan ang mga paghihigpit alinsunod sa pagbubukas ng eknomiya, ipinahayag naman ng mga eksperto na posibleng abutin pa ng dalawang taon bago maibalik ang mga milyun-milyong trabahong nawala dahil sa pandemiya.

Ipinagbabawal naman ang pagdaraos ng protesta ng mga raliyista sa Commonwealth Avenue, kung saan nakasanayang magtipon-tipon ang mga iba’t-ibang grupo.

LATEST

LATEST

TRENDING