Pamahalaan, ipinagbawal ang rally sa ikalimang SONA ni Duterte

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Walang ibibigay na protest permits ang Lungsod ng Quezon para sa mga balak magsagawa ng protesta sa araw ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 27.

Ipinost ng city government sa Facebook page nito na alinsunod sa advisory ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong Hulyo 23, “all applications for permits to organize or hold public assemblies shall not be processed (lahat ng aplikasyon para sa permit na makapag-organisa o magsagawa ng protesta ay hindi ipoproseso).”

Dagdag pa, “At the same time, those deemed issued because no action was taken after two days following the date of application, are in the same manner revoked (Walang bisa rin ang mga permit na inilabas dalawang araw mula sa petsa ng aplikasyon nito na hindi inaksyunan)”.

Idiniin ng DILG na nananatiling bawal ang mass gatherings sa ilalim ng mga patakarang ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) upang mapigilan ang lalo pang paglaganp ng Covid-19.

Gayunpaman, ilang mga protesta pa rin ang pinahintulutan noong nakaraan dahil sa pagsunod ng mga raliyista sa minimum health standards, katulad ng pagsusuot ng face masks at pag-obserba ng physical distancing.

Naunang sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na papayagang magsagawa ng protesta ang mga raliyista basta’t may permit, at iginiit na tradisyon na ng SONA ang pagkakaroon ng rally.

Ilalahad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ikalimang SONA sa Batasang Pambansa sa Batasan Hills, Quezon City, ang tradisyunal na venue ng SONA.

Samantala, sinabi naman ng grupong Kilusang Mayo Uno na may kasunduan ito sa Quezon City police na isasagawa ang rally sa Commonwealth Avenue nang may pagsunod sa safety at health protocols.

Iginiit naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Sentro na itutuloy pa rin nila ang pinlanong protesta.

We are left with no choice but to defy the DILG memorandum on holding protests in time for Duterte’s SONA (Wala kaming opsyon kundi tanggihan ang DILG memorandum na nagbabawal sa protesta sa SONA ni Duterte),” ani Danilo Ramos, chairperson of Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

LATEST

LATEST

TRENDING