Pagdalo ni Robredo sa SONA, sa pamamagitan lamang ng Zoom

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi dadalo nang pisikal si Pangalawang Pangulo Leni Robredo sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na gaganapin sa Batasang Pambansa sa Lunes, Hulyo 27.

Ayon kay Robredo, inimbitahan siya sa SONA ng pangulo subalit sa pamamagitan lamang ng Zoom teleconferencing.

Aniya, “Hindi ako imbitado sa House of Representatives. Na-receive namin na invitation ay Zoom, so iyon ang pupuntahan ko”. 

Bagama’t dadalo lamang online, tiniyak umano ni Robredo na bakante ang kanyang schedule para makapinggan at mapanood ang SONA bilang kabahagi ng tungkulin.

“Ito namang SONA, talagang kinlear natin iyong shedule para dito, so dahil hindi naman ako physically na pumunta doon, sa Zoom mag-aattend ako kasi obligasyon natin ito,” ani Robredo.

Binanggit ni Robredo na inaasahan niyang marining ang konkretong Covid-19 recovery plan mula kay Duterte at isang malinaw na ulat kung anu-ano ang napagtagumpayan ng administrasyon sa nakaraang taon.

Marami pa niyang katanungan na hindi nasasagot hinggil sa pagtugon ng administrasyon sa Covid-19 kahit na may lingguhang update mula sa pangulo.

“Gusto nating malaman sa SONA ano iyong plano. Matagal na nating tinatanong kasi parang hindi kumpleto iyong napapanood natin doon sa weekly meetings. Hopefully tomorrow, kumpletong mailalahad,” giit ng pangalawang pangulo.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magiging detalyado aniya ang pagtalakay ng pangulo sa Covid-19 krisis at maglalabas umano ito ng road map for recovery sa kanyang talumpati.

Mahigit 50 katao ang inimbitahang makapasok sa session hall sa araw ng SONA, kabilang ang 30 na mambabatas at ilang miyembro ng Gabinete matapos magnegatibo sa parehong RT-PCR at rapid tests.

Tiniyak naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano na handa ang Kongreso sa anumang last-minute na mga pagpapasya ni Duterte tungkol sa kanyang SONA.

Aniya, “Let me assure you po na ang ating Pangulo will take all precautions and a decision will be made whether dito or sa Malacañang…but we’re ready po and so far, ang desisyon po ay dito siya magso-SONA.”

LATEST

LATEST

TRENDING