Pinangunahan ni Manila City Mayor Isko Moreno noong Hulyo 25 ang groundbreaking para sa konstruksyon ng Bagong Manila Zoo para i-revive at i-redevelop ang parke.
Ayon sa alkalde, kabahagi ang rehabilitasyon ng Manila Zoo sa agenda ng kanyang administrasyon para palakasin ang ekonomiya sa long term. Inaasahang matatapos ang proyekto sa 19 na buwan.
Inumpisahan ang proyekto sa ika-61 na founding anniversary ng Manila Zoo na isinara sa publiko matapos itong ituring ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na “major pollutant” ng Manila Bay noong nagdaang administrasyon.
Sinabi ng DENR na tinatapon lamang ng zoo ang untreated sewage nito sa Estero de San Antonio Abad dahil wala itong sewage treatment plant.
Dahil dito, gagawa ang city government ng sewage treatment plant, isang materials recovery facility, at bagong veterinary hospital sa ilalim ng redevelopment plan.
Kabilang din sa proyekto ang konstruksyon ng mga bagong habitats para sa mga hayop, mga hardin, pampublikong palikuran, isang museo, restawran, at bagong parking area.
Ayon kay Yorme, umaasa siya na ang Bagong Manila Zoo ay magiging “kapareho at puwedeng makipagtagisan sa Singapore Zoo”.
“You are going to witness this, we are going to build in the near future the best zoo in Asia (Masasaksihan ninyo ito. Itatayo natin ang best zoo sa Asya),” ani Moreno.
Dagdag pa niya, “I am happy that we are not only going to build a zoo, a clean zoo, but a healthier zoo for our animals. I want the best for you, (Maligaya ako na hindi lamang tayo magtatayo ng zoo, malinis na zoo, subalit isang ‘healthier zoo’ para sa mga hayop. Nais ko lamang ang ikabubuti ninyo) mga Batang Maynila”.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang kanyang mga nasasakupan na habang may pandemiya, dapat tugunan ng lokal na pamahalaan ang kalusugan at eknomiya ng bawat isa.