Hindi inaasahang isusumite ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang panukalang national badyet para sa 2021 sa Lunes, Hulyo 27, kung kailan ilalahad nito ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) at ang muling pagbubukas ng Kongreso, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ni DBM Secretary Wendel Avisado na isinasapinal pa ng executive branch ang 2021 badyet.
“Not yet. We’re still in the process of finalizing it as the DBCC (Development Budget Coordination Committee) still has to approve the final budget ceiling (Hindi pa. Isinasapinal pa namin dahil aaprubahan ba ng DBCC ang pinal na budget ceiling),” ani Avisado.
Sinisikap naman ng ahensya na isumite ang 2021 budget proposal “on or before Aug. 27.” Ito ay saklaw sa 30-day deadline na ibinigay sa DBM mula sa araw ng SONA para ipasa sa Kongreso ang panukalang badyet, na nakasaad sa Saligang Batas.
Naunang sinabi naman ni DBM assistant secretary Rolando Toledo na itinaas ang budget ceiling para sa 2021 sa P4.506 trilyon mula sa naunang proposal na P4.335 trilyon para magbigyan ng mas maraming pondo ang pamahalaan na tugunan ang epekto ng Covid-19 pandemic. Ito ay mas mataas ng 9.9 porsyento kumpara sa P4.1 trilyong badyet ngayong taon.
Ayon naman kay DBM Undersecretary Laura Pascua, ang adjustment ay ginawa matapos pasadahan ng departamento ang iba’t-ibang proposals ng lahat ng ahensya.
Sa inupload naman na budget priorities framework sa website ng DBM, sinabi nitong kinakailangang i-review at i-reprioritize ang 2021 badyet alinsunod sa “new normal” na dala ng Covid-19 pandemic.
Dagdag pa ng ahensya, ang dapat pagtuunan ng 2021 badyet ay pagpapabuti sa health systems ng bansa para mapaigting ang kapasidad nito na tugunan ang Covid-19 pandemic, kabilang ang pagbili ng mga bakuna.
Inilista din ng ahensya bilang prayoridad ang food security, digitization ng pamahalaan at ekonomiya, at ang pagsulong ng Balik Probinsya program.
Binanggit din ni Avisado na maglalaan ng pondo para sa distance learning programs ng Department of Education (DepEd). Popondohan umano ng gobyerno ang paglikha ng distance learning systems at e-learning platforms, pati na rin ang capacity-building programs para sa mga guro at personnel.