Ipinahayag ng direktor na si Joyce Bernal na magiging simple lamang ang kanyang magiging kuha sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Rodrigo Duterte ngayong taon subalit may “different flavor (ibang lasa)” na “very Filipino (Pinoy na Pinoy)” ito.
Si Bernal, na mas kilala sa pag-direct ng mga pelikulang comedy at romance, ay magdidirect sa taunang SONA sa ikatlong pagkakataon. Nagtungo ang direktor sa Batasang Pambansa noong Hulyo 23.
“Dahil parang sumimple siya, pero naging complicated siya technically because di ko alam kung nalimit yung mga tao dito sa loob pero merong mga remote areas na kailangan kong kunan. Yung video conference meron akong IT na gagawa, kasi di ako marunong sa ganyan. Pero pag-aaralan ko na yun on the day itself na. Bukas lockdown na ito eh. On the day itself na technical rehearsal ko,” ani Bernal.
Mahigpit na health at safety protocols ang ipatutupad sa araw ng SONA sa Hulyo 27.
50 na mga opisyal lamang mula sa executive at legislative branches ng pamahalaan ang papahintulutang pisikal na makasaksi sa SONA ng pangulo. Ang iba naman ay dadalo na lamang online.
Ang mga papayagang makapasok na mga piliping opisyal, mambabatas, iba pang panauhin, at support staff ay dapat sumailalim sa dalawang Covid-19 tests bago sumapit ang araw ng SONA.
Ayon kay Bernal, dahil sa limitadong bilang ng mga tao sa loob ng plenary hall, ang ibang bahagi ng SONA maliban sa talumpati ng pangulo ay pre-recorded. Kabilang dito ang pambansang awit, opening prayer, at iba pang pagtatanghal.
Mas marami rin aniyang oras si Bernal para sa preparasyon ng visuals para sa SONA.