Cayetano: Cha-cha para sa bagong term limits, posibleng talakayin sa Enero

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Malacañang

Posibleng talakayin ng Mababang Kapulungan ang usapin ukol sa pagbabago ng term limits ng mga pulitiko alinsunod sa usapin ng charter change sa Enero, ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano noong Hulyo 24.

Ayon sa kanya, posibleng maging susunod na prayoridad ng Kongreso matapos ang Covid-19 krisis ang planong pagbago sa term limits ng mga opisyal.

“If ma-solve next month ‘yung Covid, and we’re up on our feet next January, February, then we can talk about Cha-cha (at makabangon na tayo sa Enero, Pebrero, puwede na nating pag-usapan ang Cha-cha),” ani Cayetano.

Ito ay taliwas sa timeframe na binanggit ni Rep. Rufus Rodriguez, chairman ng House Committee on Constitutional Amendments. Ayon sa kongresista, maaari umanong talakayin ang panukalang pagbabago ng Konstitusyon ukol sa term limits sa loob ng unang dalawang linggo mula sa muling pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 27.

Itinutulak naman ni Cayetano, na may mga kapamilyang nasa posisyon sa Lungsod ng Taguig, ang pagkakaroon ng  limang-taong termino na may tatlong consecutive terms, o apat na taong termino nang walang pagbabawal para sa reelection.

“Ang problema sa argument sa Pilipinas, maraming hypocrisy (kasinungalingan). And I keep saying naman na no one is innocent. That’s why we have to change the system (Kaya dapat baguhin ang sistema),” pahayag ni Cayetano na idinidiing may piling pamumuna sa mga pamilyang nasa posisyon.

Ang term limits na nakapaloob sa 1987 Constitution ay hindi umano naaayon para sa mga “hindi inaasahang pangyayari,” na layong pigilan ang dalawang dekadang panunungkulan ng dating dikdator na si Ferdinand Marcos. Sa halip, naging resulta ng term limits ang panganganak aniya ng mas maraming dinastiya habang sinisikap ng mga pulitiko na mapanatili ang kapit sa kani-kanilang mga balwarte.

Nauna namang naglipana online ngayong buwan ang larawan ni Cayetano, kasama ang kanyang asawang si Taguig-Pateros second district representative Lani Cayetano, kapatid na si Mayor Lino Cayetano, at isa pang kapatid na si Senador Pia Cayetano matapos banatan ang pribilehiyo ng pamilya Lopez na mga umano’y pamilya ng mga oligarko.

“I spoke after lumabas ‘yon. Pero hindi naman kasi lumabas din ‘yung picture ng lahat ng Aquinos na naging politiko sabay-sabay eh, ‘di ba?,” depensa ni Cayetano.

Kinumpara naman ng House Speaker ang mga dinastiya sa mga oligarko, o mga naghaharing pamilya buhat ng kanilang kayamanan at impluwensiya.

If you look at history, there’s always been some small dynasty somewhere (Kung babalikan mo ang kasaysayan, palaging may dinastiya kahit saan). But ang mas importante, free ang lahat ng tao to choose,” giit ni Cayetano.

Dagdag pa niya, “There are good people in the oligarchy, but there is no good oligarchic system –– it’s always anti-people. But there are good dynasties all over the world, as well as there are bad dynasties (May mabubuting tao sa oligarkiya, subalit walang magandang sistemang oligarko – palagi itong kontra tao. Gayunpaman, may mga mabubuti at masasamang dinastiya sa buong mundo)”.

LATEST

LATEST

TRENDING