Robredo, ibinalik kay Roque ang payong ihinto muna ang pamumulitika sa panahon ng Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Manila Bulletin

Binanatan ng kampo ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo si Presidential Spokesperson Harry Roque sa pahayag nitong isantabi muna ng mga kritiko ang pamumulitika habang nasa kasagsagan ng Covid-19 pandemic.

Nagbigay ng reaksyon sa pahayag ni Roque sa kanyang Twitter account ang spokesperson ni Robredo na si Barry Gutierrez sa pamamagitan ng pagpost ng mga pangyayaring nagpapakita umano na hindi isinantabi ng pamahalaan ang pamumulitika.

“Pagsampa ng kaso ng cyberlibel sa mga kritiko. Pagpasa ng anti-terror law. Pagsara ng ABS-CBN. Sino na nga ulit ang hindi maisantabi ang pulitika sa harap ng krisis ng COVID-19?” giit ni Gutierez.

Ibinalik ni Gutierrez, na siyang legal adviser kay Robredo, kay Roque ang kanyang mungkahi na pansamantalang ihinto muna ng oposisyon ang pamumulitika sa Covid-19 response ng gobyerno.

Inakusahan ni Roque ang oposisyon ng pamumulitika matapos punain ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang umano’y kapalpakan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pagtugon nito sa Covid-19 pandemic.

Binatikos naman ng maraming kritiko, kabilang si Robredo, ang baluktot na prayoridad umano ng pamahalaan katulad ng pagpasa ng anti-terror law, ABS-CBN shutdown, at pagsulong ng charter change habang nasa kalagitnaan ng pandemiya.

Naunang sinabi ng pangalawang pangulo na naging “kampante” ang administrasyon sa umpisa ng pandemiya at “hindi agad na umaksyon” para tugunan ang krisis.

Nanawagan din ito sa administrasyon na laging suriin ang mga estratehiya lalo na sa mga aspetong may pagkukulang, para mas mapagbuti pa ang Covid-19 response.   

LATEST

LATEST

TRENDING