Nograles: ‘Unfair’ na sabihing palpak ang IATF sa Covid-19 response

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nasa “mabuting kalagayan” ang Pilipinas sa laban nito kontra Covid-19 kung ikukumpara sa ibang mauunlad na bansa at “hindi makatwiran” para sa mga kritiko na sabihing palpak ang pamahalaan sa pagtugon nito sa Covid-19 pandemic, giit ng isang opisyal noong Hulyo 23.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles na siya ring co-chairperson ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), posibleng pumalo sa 1.3 milyon ang Covid-19 cases sa bansa kung hindi agad na naipatupad ang mga quarantine protocols ng IATF noong Marso.  

Naunang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na naging palpak umano ang IATF sa pagtugon nito sa Covid-19 dahil pumalo na sa mahigit 70,000 ang bilang ng mga Covid-19 cases sa bansa at “ang tanging solusyon sa ngayon ay ipagpatuloy ang pagpapatupad ng mga lockdown”.

That’s an unfair assessment of the work that the IATF has done (Maling panghuhusga ito sa ginawang trabaho ng IATF),” ani Nograles.

Ang pagpapatupad ng lockdown ay nagdulot aniya ng mababang Covid-19 fatality rate sa bansa at napaigting din nito ang health care capacity, katulad ng paglalaan ng mas maraming hospital beds, pagsasagawa ng mas maraming tests, at pagbibigay ng safety gear para sa frontliners, ayon kay Nograles.

Sa US at sa ibang mga mauunlad na bansa sa Latin America, Europa at Africa, naging mataas umano ang community transmission at na-“overwhelm” din ang mga sistemang pangkalusugan ng mga ito, diin ni Nograles.

Aniya, “Compared to these countries we’re in a good place. Of course, there will be other countries who have done better, and we benchmark with those countries, and we try our best to match them (Kumpara sa ibang mga bansa, nasa mabuting lugar tayo. Siyempre may mga bansang mas maganda ang response at sinusubukan natin silang tularan)”.

Ayon sa opisyal, ang antas ng local lockdown ay nakabatay sa “scientific, mathematic model” na kinokonsidera ang epidemiological curve, health capacity, at economic, social at security factors.

“Hindi ito haka-haka or gut feel lamang,” pagbibigay diin ni Nograles.

Inaasahan ng Cabinet Secretary na tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikahuling State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27 ang iba’t-ibang usapin tungkol sa nararanasang health crisis.

“Hindi po malayo na iyan ang babanggitin ng Pangulo because that is in the minds of people right now (dahil nasa isip ito ng mga tao sa ngayon). That is what people have come to expect (Ito ang inaasahan ng mga tao),” paliwanag ni Nograles.

LATEST

LATEST

TRENDING