Inakusahan ng panggagahasa ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) na nagsisilbi rin bilang frontliner sa Antipas, Cotabato.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodya na ng pulis at isinailalim din ito sa 14-day mandatory quarantine matapos umanong gahasain ang isang 15-anyos sa dalaga sa loob ng quarantine facility sa Brgy. Dolores, Antipas, na naiulat noong Hulyo 21.
Batay sa ulat ni Antipas Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Head Helen Lebuit, nangyari ang krimen noong Hulyo 12 matapos umanong makipag-inuman ang dalaga sa suspek sa loob mismo ng isolation facility.
Sa sumunod na araw, nakatanggap naman ng text ang dalaga na nagsasabing nais pa raw ng suspek na maulit muli ang nangyari noong nagdaang gabi, dahilan na nag-udyok sa dalagang magsumbong sa kanyang mga kaibigan.
Subalit, hindi na aniya nakapalag ang biktima dahil may dala umanong kutsilyo ang suspek nang gawin ang panghahalay.
Agad namang inilipat sa municipal quarantine facility sa Brgy. Poblacion ang dalaga. Desidido naman itong kasuhan ang 35-anyos na BPAT frontliner.
Magsasagawa rin aniya ang Municipal Inter-Agency Task Force ng Antipas ng imbestigasyon tungkol sa nangyaring panggagahasa at tiniyak ni Vice Mayor Cris Cadungon na mapapanagot ang suspek.