Ipinahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon noong Hulyo 22 na malugod na makikipagkooperasyon ang oposisyon sa administrasyong Duterte sa pagtulong na malagpasan ng bansa ang hamon ng Covid-19 pandemic.
Aniya, “Being in the opposition is not easy… But we are willing to cooperate and provide to the best of our abilities [to have] policies that we believe can help our country get out of this difficulty (Hindi madali ang mapabilang sa oposisyon… Subalit malugod kaming makikipagkooperasyon para ibigay ang mga palisiya na makatutulong sa bansa upang malagpasan ang paghihirap na ito)”.
“But we hope that we are listened to also (Subalit, umaasa rin kaming papakinggan kami),” dagdag pa niya.
Ang oposisyon sa Senado ay kinabibilangan nina Drilon, Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, Sen. Risa Hontiveros at ang naka-detain na si Sen. Leila de Lima.
Isa sa mga sinuportahang panukala ng oposisyon sa kasagsagan ng pandemiya ay ang Bayanihan to Heal as One Act, na nagpahintulot kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-realign ang mga pondo para sa mga programang makatutulong sa pagpigil sa paglaganap ng Covid-19.
Bagama’t handang tumulong sa pamahalaan ang oposisyon, mananatili aniya itong mapagmatyag sa mga hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan bilang pagtugon sa Covid-19.
“The IATF has failed (Palpak ang IATF),” diin ni Drilon.
Dagdag pa niya, “There is no solution to this but we have to take the bull by the horn and have proposals that will guide us. Today we have none, unfortunately (Walang solusyon para rito sa ngayon subalit kailangan nating gumawa ng mga hakbang na makatutulong sa atin. Ngayon, wala tayo nito sa kasamaang palad)”.
Hinikayat naman ni Drilon si Duterte na maglabas ng “komprehensibong plano” para tugunan ang krisis sa ekonomiya at kalusugan buhat ng pandemiya.
Samantala, sinabi naman ni IATF co-chair Cabinet Secretary Karlo Nograles noong Hulyo 22 na “hindi makatwiran” na tawaging palpak ang naging hakbang ng pamahalaan para tugunan ang Covid-19 pandemic sabay diin na nasa “mabuting kalagayan” ang bansa kumpara sa ibang mga mauunlad na bansa noong tumataas ang bilang ng impeksyon at mga namatay.