Bagama’t nananatiling prayoridad ang Covid-19 response, posible pa rin umanong isakatuparan ang pinaplanong plenary action tungkol sa paghingi ng panibagong prangkisa ng ABS-CBN, ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano noong Hulyo 22.
Ayon kay Cayetano, may kapangyarihan umano ang plenaryo sa ilalim ng Saligang Batas na muling buksan ang mga diskusyon hinggil sa isyu, subalit iginiit din nitong dapat mas pagtuunan pa rin ng pansin sa ngayon ang mga usapin tungkol sa Covid-19.
“Ang priority namin is fighting Covid… We’re dealing with so much work and unforeseen future uncertainties. So if you’re asking directly the possibility, anything is possible sa plenary (Nakaharap kami sa napakaraming trabaho at malabong hinaharap. Kung tinatanong mo ang posibilidad, posible ang kahit ano sa plenaryo),” ani Cayetano.
Dagdag pa ni Cayetano, “Lets’s not put in front and center because the reality is, we are in a pandemic and we have to focus on solving the day-to-day problems (Huwag nating isentro ito kasi nasa pandemiya tayo at dapat magpokus tayo sa paglutas sa pang-araw-araw na suliranin) ng ating mga kababayan”.
Naunang sumulat ang Makayaban bloc sa House committee on legislative franchises para hikayatin ang mga mambabatas na isumite ang technical working group report at ang inaprubahang committee resolution tungkol sa ABS-CBN franchise sa plenaryo para ratipikahan ang pagpapasya.
Ayon sa sulat na isinapubliko noong Hulyo 22, lahat umano ng 305 na mga mambabatas ay kinakailangang magdesisyon sa kapalaran ng network dahil sa mga “hindi tiyak” na isyu na naunang tinalakay sa report para ibasura ang franchise renewal ng network.
Samantala, ilang mga mambabatas naman ang nagviral dahil sa isang Zoom meeting, kung saan tinalakay ng mga ito ang iba’t-ibang hakbang at iba pang posibleng ipapataw na kaparusahan sa network kahit ipinasara na ito.
Kabilang dito ang mga paglabag umano sa distribusyon ng digital boxes, pati na rin ang mga kontrobersiya sa pag-aari ng lupa.
Para naman kay Cayetano, may karapatan ang mga kongresista na talakayin ang mga posibleng paglabag.
Bagama’t nanatiling wala sa ere, magpapatuloy naman ang ABS-CBN sa pagbibigay ng balita sa pamamagitan ng mga limitadong platforms na mayroon ito.