Pinabulaanan ng Malacañang noong Hulyo 22 ang paratang na palpak aniya ang isinasagawang pagresponde ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pagtugon nito sa Covid-19 pandemic at iginiit na namumulitika lamang ang mga kritiko.
Ipinahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque bilang pagtugon sa naging pananaw ng miyembro ng oposisyon na si Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi naisakatuparan ng IATF ang mandato nitong lutasin ang problema ng pandemiya sa bansa.
Iginiit ng tagapagsalita ng pangulo na isantabi muna ang pulitika, lalo na para sa oposisyon, habang nasa kasagsagan pa ng pandemiya.
Aniya, “I don’t think we failed, for as long as we did not meet the 3.5 (million cases) projection of UP (University of the Philippines) (Hindi kami naging palpak, dahil hindi natin naabot ang 3.5 milyong mga kaso na prediksyon ng UP)”.
“We will always have different points of view, particularly because they’re coming from the opposition and I think they’re resorting to politicking too early. The appeal of the President is to concentrate on COVID-19, set aside politicking for the time being— which I think is a very wise policy (Magkakaroon tayo palagi ng salungatanan dahil nagmumula sila sa oposisyon at maagang namumulitika. Ang apela ng pangulo ay isantabi muna ang pulitika sa ngayon, na sa tingin ko ay wais na palisiya),” dagdag pa ni Roque.
Sa isang pahayag noong Hulyo 21, sinabi ni Drilon na hindi naging epektibo ang IATF sa pagpigil sa paglaganap ng coronavirus dahil patuloy na umaakyat ang Covid-19 cases araw-araw.
“The IATF should take a second look at what they have done. They should review their performance and find out how they can be more effective. What did Taiwan, Thailand, Vietnam do that we failed to do (Dapat suriing muli ng IATF ang kanilang ginawa. Siyasatin nila ang kanilang ginawang pagtugon at alamin kung saan pa ito mas magiging epektibo. Ano ang ginawa ng Taiwan, Thailand, at Vietnam na hindi natin ginawa)?,” giit ni Drilon.
Idiniin naman ni Roque na kumonti ang mga namamatay sa nakalipas na mga araw at maituturing umano ito bilang tagumpay sa gitna ng pag-spike sa bilang ng mga impeksyon.
Binanggit din nitong posibleng malaki ang maitulong ng kalulunsad lamang na programang “Oplan Kalinga” na layong i-isolate ang mga pasyente na tinaguriang “silent spreaders”.
Sa naturang programa, ang mga pasyenteng hindi makakapag-comply sa mga alituntunin ng home quarantine, ay susunduin mula sa kani-kanilang mga tahanan at dadalhin sa government quarantine facilities para doon na i-isolate.