Buo ang loob ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisasakatuparan ng pamahalaan ang mahirap na tungkulin sa contact tracing na layong mapigilan ang paglaganap ng Covid-19.
Sa pagpupulong kasama ang ilang opisyal noong Hulyo 20, inamin ng pangulo na mahirap ang pagsasagawa ng contact tracing, subalit nanatili itong positibo na magagawa ito ng mga awtoridad.
“Viewing the events of COVID — ‘yung dimensions ng COVID, in other countries, they have this efficient (Episyente ang contact tracing sa ibang bansa) — ‘yung ano nila, ‘yung follow up na contact tracing. Iyong iba naman, dito sa atin mahirap,” giit ni Duterte.
“But it can be done but I said it’s a Herculean task to do it (Magagawa ito bagama’t mahirap),” diin ng pangulo.
Itinalaga ng pamahalaan kamakailan si Baguio City Mayor Benjamin Magalong para maging contact tracing czar ng bansa.
Sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa, nais ng pamahalaan na kumalap ng 50,000 katao para mapaigting ang isinasagawang contact tracing sa buong kapuluan. Maglalaan din ng P15 bilyong cash-for-work program para sa hiring ng mga contact tracers sa ilalim ng ipinapanukalang Bayanihan law.
Sa kasalukuyan, ginagamit ng pamahalaan ang COVID Kaya Information System, isang case at contact tracing reporting system na dinivelop ng World Health Organization (WHO) at DOH Epidemiology Bureau para sa mga health workers.
Sa pagpupulong kasama si Duterte, ipinahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na nakipagkita ito sa iba’t-ibang local government officials para ibahagi ang “best practices” sa testing, tracing at treatment.
Ayon sa kalihim, mahalaga ang maagang pag-detect ng coronavirus para mailigtas ang buhay ng pasyente.
Sa kanyang ulat kay Duterte, binanggit ni Duque ang komprehensibong contact tracing na isinagawa ni Mayor Magalong sa Lungsod ng Baguio. Nakakapag-trace umano ang lungsod ng 37 close contacts sa isang taong nagpositibo sa nakamamatay na sakit.
“At maganda po ang naging resulta nito dahil naabot nila ‘yung mga tao, ‘yung first generation contacts hanggang sa second generation contacts at ito pong mga ito ay nate-test nila, Mr. President,” giit ni Duque.
Ipinagbigay-alam naman ni Presidential peace adviser Carlito Galvez Jr. ang mababang contract tracing rate sa ilang mga lokalidad. Ayon kay Galvez, ang ilan ay nakakapagtest lamang aniya nang mula tatlo hanggang 20 contacts sa isang pasyente.
“Ibig sabihin, mayroon pong nakakawala na mga positive na gumagala po sa atin,” tugon ni Galvez.