Ipinahayag ng Philippine General Hospital (PGH) na “umaapaw” ang Covid-19 ward nito sa 215 na mga pasyente.
Ito ay bagama’t tinaasan na ng ospital ang bilang ng mga higaan para sa Covid-19 patients sa 210 bunsod ng pag-akyat sa bilang ng mga kaso, ayon kay PGH Spokesperson Jonas del Rosario.
Gayunpaman, tatanggap pa rin ng non-Covid cases ang PGH.
“Puno na po. Umaapaw po…Nalampasan namin ‘yung amin 210 na sinet na limit,” ani del Rosario.
Dagdag pa niya, “Marami pong private patients ang nagpunta sa PGH, marahil sarado na rin ‘yung private hospitals.”
Karamihan ng mga pasyente ay matatanda at tinatayang 40 cases naman ang nasa intensive care unit aniya.
“Marami sa kanila nasa elderly population. Dahil nung nag-ease up ‘yung ating quarantine, hindi kagaya nung ECQ (enhanced community quarantine) pa hindi naman lumalabas yung mga tao. Nung lumuwag naging mobile ang mga tao, pati tuloy matatanda nahawa,” pahayag ni del Rosario.
Dagdag pa, “Yung iba nilang kasama sa bahay lalabas, mahahawa yung kanilang matatandang kasama sa bahay. Minsan mismong mga matatanda lumalabas din dahil matagal na silang nakakulong sa bahay. Lumabas, di akalaing mahahawa.”
40 Covid-19 patients naman umano ang naghihintay na mailipat sa PGH kung magiging available na ang mga higaan.
Aabot naman sa 45 healthcare workers ng ospital ang na-admit matapos magkaroon ng Covid-19 outbreak sa dietary department nito kung saan 20 na staff ang nagpositibo sa coronavirus. May anim pa umanong frontliners ang nahawa rin sa nakamamatay na sakit.